Huli sa entrapment operation sa Maynila ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa hindi umano awtorisadong pagbebenta ng COVID-19 test kits ang dating model-actress na si Avi Siwa.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabingP70,000 halaga ng test kits ang nabili ng undercover agent ng NBI kay Avi.
Ayon kay Ronald Aguto, hepe ng NBI-International Operations Division (IOD), dapat na mayroong permit o lisensiya mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang sinumang nagbebenta ng test kits.
Bukod sa test kits, sinubukan din umano ni Avi na bentahan ng personal protective equipment o PPE, at bigas ang hindi pa niya alam noon na NBI agent.
Isa na ngayong negosyante si Avi at iginiit niya na rehistrado siya sa Department of Trade and Industry kaya lehitimo ang kaniyang pagbebenta.
Kaya umano niyang patunayan na wala siyang ginagawang kasalanan.
Pero bukod sa usapin ng COVID-19 test kits, may isang babae rin na nagrereklamo laban kay Avi dahil sa mga bigas na hindi umano nito naideliber.
Ayon kay Jessilyn Fernando, nakipag-usap siya kay Avi para magdeliber ng P16 milyong halaga ng bigas na ipamimigay umano sa mga naapektuhan ng lockdown sa Cebu.
Pero kahit nakapagbigay na umano siya ng 25 percent ng napagkasunduang halaga, wala umanong dumating na bigas.
"Nag-down ako ng 25 percent dun sa usapan naming 10,000 sacks para 'yan sa mga tao na nangangailangan ng ano...gutom na, wala siyang napadala," reklamo ni Fernando.
Itinanggi naman ito ni Avi at sinabing may mga naideliber siyang mga bigas. Katunayan, si Fernando pa raw ang may utang sa kaniya.--FRJ, GMA News