Sa kabila ng masasayang post niya ng mga larawan at video sa social media, inamin ni Rocco Nacino na sa likod nito ay may nararanasan siyang stress at anxiety ngayong panahon ng community quarantine.
"Nakikita ng mga tao, 'Uy ang saya naman ni Rocco, okay siya.' 'Wow wala siyang problema.' 'May naipon naman siya.' Pero hindi eh, behind those smiles sometimes hindi mo rin alam 'yung pinagdadaanan ng mga tao," sabi ni Rocco sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,
Pero paglalahad niya, dahil sa nangyayaring krisis bunga ng COVID-19 pandemic, nakakaramdam siya ng labis na pag-aalala tungkol sa kakahinatnan ng kaniyang negosyo, at ang pagkakatigil ng ipinapagawa niyang dream house, na kinasasabikan niyang malipatan.
"Hindi kami naiiba sa mga tao ngayon. Kaya ako nagkaroon ng anxiety kasi 'yung mga businesses ko ay mga boxing gym, isa ang mga gym na kailangang manatiling sarado muna kasi direct contact 'yan eh. Nakaka-stress isipin na paano na ang 'new normal'? Paano kami mag-o-operate? Kailangan na ba naming magsara? Mawawalan ng trabaho ang trainers namin," dagdag pa ng aktor.
Dahil din sa community quarantine, natigil ang konstruksyon sa ipinapagawang dream house ni Rocco sa Antipolo.
Matatandaan na laging ibinabahagi ni Rocco sa fans ang paggawa ng kaniyang bahay--mula sa pagpapakita ng site o location, paunti-unting construction--hanggang sa mabuo at masimulan na ang paglalagay ng bintana, AC units at tiles.
"Sabi ko sa mga past interview natin, lagi kong sinasabi kung gaano ako ka-excited na lumipat na at puwedeng puwede na talagang lumipat. But ngayon, sobrang higpit ngayon sa village namin. Makapag-finishing ay sakit na rin sa ulo kasi gusto mong i-maintain 'yung safety ng lahat ng tao eh at ayaw mong makapagsimula ng scare sa magiging bagong tahanan ko," sabi ni Rocco.
Pero sa halip na magmukmok sa problema, humanap daw si Rocco ng paraan kung paano ito tutugunan.
"Ginagawa ko is really taking a step back at mag-isip kung, 'Okay, andito na 'yung sitwasyon, ito na 'yun eh, nangyayari na, wala na akong puwedeng gawin para baligtarin ito. So what can I do so that magbe-benefit ako," paliwanag niya.
Nakatutulong din daw sa kaniya ang suporta ng pamilya, mga kaibigan at girlfriend na si Melissa Gohing.
Bilang isang navy reservist, aktibo ring tumutulong si Rocco kasama si Melissa sa iba't ibang proyekto ng Philippine Navy.
"It's more of being there and using your influence para makapagbigay ng pag-asa sa mga kababayan natin. Very fulfilling 'yung ginagawa ko. If may hindi magandang nangyayari sa'yo, you use it to turn something negative into something positive," ani Rocco.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News