Sa kaniyang pagsalang sa pilot episode ng "Quarantined with Howie Severino," tinanong si Pasig City Mayor Vico Sotto kung sa oposisyon o administrasyon ba siya nahahanay, at kung nakatulong ba sa kaniyang pagkapanalo ng pag-endorso sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado si Sotto na naging malaking tulong sa kaniyang panalo bilang alkalde ang basbas ni Duterte. Gayunman, sinabi ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, na handang-handa rin naman ang kanilang grupo sa nagdaang halalan.
“Probably yes kasi naka-setup na ‘yong ano namin noon eh. Kumbaga we were good to go pero siyempre malaking tulong pa rin ‘yon,” paliwanag ng alkalde.
“Hindi ko sinasabing hindi. Don't get me wrong. Please don't take me out of context but utang na loob, wala kasi wala namang usapan 'yon eh. Kumbaga wala namang... there's no condition to that,” patuloy niya.
Sinabi rin ni Sotto na nang magpunta siya sa Palasyo noon ay bilang respeto sa pangulo ng bansa.
“Pumunta kami sa Malacanang. Of course, if you're... isang government official ka at pinatawag ka ng Presidente, pupunta ka talaga. And I respect the office. I respect the president and I'm very thankful for the endorsement,” sabi pa niya.
Nang tanungin kung kaalyado ba siya sa pulitika ni Duterte, sinabi ni Sotto na makikita niya ang sarili bilang indepedyente.
“I mean kapag mayor kasi, it's not like the job of a congressman or a senator na mas polarising, ano. Kapag mayor ang problema namin 'yong day-to-day na trabaho eh,” paliwanag niya.
Nilinaw din niya na wala siyang interes na makigulo sa pambansang pulitika dahil subsob siya sa trabaho sa lungsod na pinamumunuan.
Hindi naman niya ikinakaila na humihingi siya ng tulong sa national government para sa Pasig, at ginagawa naman daw ng pamahalaang nasyunal ang obligasyon nitong tulungan ang lokal na pamahalaan.
"It's in all of our mandates to help each other as government officials and government offices whether national, local, city, barangay government. Kailangan nagtutulungan ang lahat,” ayon kay Sotto.
Kung anuman daw ang kaniyang ginagawa, para umano ito sa kaniyang mga kababayan sa lungsod at hindi sa anumang larong pulitikal.
“Pero ako naman para sa akin 'wag din nila ako gamitin. Whether kakampi ka or kalaban ka ng presidente, wag niyo akong gamitin sa pulitika, pulitikan niyo kasi ako dito nagtatrabaho ako sa Pasig eh and I've been... we've been working so hard here in our LGU,” pakiusap niya.
“Kumbaga there's a lot on my plate already. Hindi na para makisawsaw ako sa national politics,” dagdag ni Sotto. — FRJ, GMA News