Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng Kapuso star na si Heart Evangelista ang mga pinagdaanang depresyon at "anxiety" o matinding pag-aalala, at ang naging epekto nito sa kaniya.
Pag-amin ni Heart, noong 2018 ay nagkaroon siya ng "slight depression" nang makunan siya sa kaniyang kambal na ipinagbubuntis.
At noong nakaraang Nobyembre, may napansin siya sa kaniyang pangangatawan.
"Naging numb 'yung mga paa ko pati kamay ko na pang-paint. Wala akong maramdaman dito," saad niya.
"It's called the Burning Tongue Syndrome. Basically, people just live with this condition na parang nasusunog 'yung bibig mo, tapos minsan kumakalat siya sa gums and it's very painful," sabi pa niya Heart.
"Sabi nila, iyong cause ng sa akin can be extreme anxiety and it manifests on your body, kasi sa sobrang stress," patuloy niya.
Sinabi rin ni Heart na nakararamdam din siya ng pressure sa social media.
"Iyong pressure ng tao, dapat kailangan lagi kang maganda, kailangan lagi kang nauuna," pahayag niya.
"Although hindi naman ako super ganon, siguro subconciously, minsan, 'pag may mga nagsasabi tungkol sa'yo, 'kala mo hindi ka naapektuhan. But then it affects you and nagpa-pile up siya. So yes nagkaroon po ako ng depression and anxiety," pag-amin niya.
Maging nitong community quarantine period ay muli raw siyang nakaramdam ng depresyon at anxiety. Pero sa pagkakataong ito, alam na niya ang gagawin.
"Maybe kailangan din nga pause sa buhay, and I feel like I'm much better now. I just had to calm down and not care first muna. I did a lot of meditation," pagbabahagi niya.
Nakatulong din umano ang kaniyang pagpipinta para maihayag niya ang kaniyang nararamdaman.
Nang tanungin kung kailangan dapat humingi na ng tulong sa duktor, sabi ni Heart kapag masyado nang malakas ang boses sa loob ng isip ng isang tao.
"Kasi sometimes 'yung fears nandiyan lang sila. Parang nao-overpower niya na sa utak mo. 'Pag hindi na talaga kaya, you need to see the doctor," payo ni Heart .
Hindi rin umano dapat mahiya ang isang tao na nais kumonsulta tungkol sa mental health.
"Hindi mo dapat itaya yung buhay mo dahil nahihiya ka pumunta sa doktor or nahihiya ka mag-open up about it," aniya. "There is a way it can be fixed, ask help and don't be afraid of it. So that's what I did."
Ayon kay Heart, nais niyang ibahagi ang kaniyang pinagdaanan para maunawaan ng mga tao na hindi perpekto ang kaniyang buhay.
"Porke't nakikita ka nilang maganda 'yung suot mo o porket nakikita nila maganda 'yung bag mo you're living the life. Feeling nila okay ka lang saktan," paliwanag niya.
"'Masaya naman 'yan eh, kaya kahit laitin ko 'yan wala naman 'yan sa kanya.' [Per] hindi ganon yun eh," dagdag ni Heart.
Inihayag din ng aktres ang kaniyang ipinapanalangin, lalo na ang kalusugan ng pamilya.
"Minsan kapag may pinagdadaanan ka mas gugustuhin mo na lang, 'Lord, tanggalin mo na lang lahat ng ito basta healthy ako. Basta okay yung pamilya ko, okay yung mga tao sa paligid ko'. We all have our cross to carry," aniya.
Nais din umano ni Heart na mailahad ang katotohanan na walang tao na perpekto ang buhay.
"Nobody has a perfect life," aniya. "I know may mga sinasabi na 'toxic positivity' maybe because hindi rin nila alam yung pinagdadaanan ng tao."
Sa kabila ng lahat, hinikayat ni Heart ang mga tao na maging positibo sa buhay dahil ito umano ay hindi matutumbasan ng halaga.— FRJ, GMA News