Pinaghahandaan na ni Max Collins ang kaniyang panganganak sa bahay para makaiwas sa posibleng peligrong hatid ng COVID-19 sa ospital. Ang mister niyang si Pancho Magno na isang registered nurse, katuwang niya sa kaniyang home birthing.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing manganganak na si Max sa susunod na dalawang buwan.
First choice pa rin ni Max na manganak sa bahay hanggang ngayon para hindi sila ma-expose ng kaniyang baby sa COVID-19 at sa iba pang mga sakit kung sa ospital siya manganganak.
Ayaw din ni Max na magkaroon ng anxiety sakaling hindi niya makasama si Pancho Magno sa delivery room.
"Because I know that pagdating ko sa ospital, kapag wala akong kasama sa delivery room and knowing with the COVID-19 situation, I'll be so tense and anxious and I'm sure that mahihirapan ako," sabi ni Max.
Binigyan na raw si Max ng go signal ng kaniyang doktor para sa home birth, at naghahanda na rin siya sa pamamagitan ng online birthing classes.
"I'm just trying to educate myself on my options and on how to be very in tune of my body because pagdating ng araw ayoko mataranta, I don't want to feel anxious about my decision to give birth at home," anang Kapuso actress.
Isang registered nurse si Pancho kaya katuwang niya ito sa paghahanda sa home birthing.
"If all else fails naman, we have a backup option. Just to me to the nearest hospital if I need a cesarean or extra help. My doula and my midwife, they're already in place," sabi ni Max.
Doula ang tawag sa isang birthing partner o assistant.
Sinabi ni Ros Macachor ng Pinay Doulas Collective, na tanging ang doktor o health care provider lang ang makapagsasabi kung kakayanin ng isang babae ang home birthing. Dapat din daw na healthy at walang komplikasyon ang pagbubuntis para maiwasan ang risks.
"Ayon sa World Health Organization, mga kababaihan na low-risk na tinatawag ay wala naman pong problema na manganak sa bahay. Kung tayo man po ay mananatili sa bahay para sa panganganak, dapat meron pa rin po tayong kasamang midwife o kumadrona. O depende po, maaaring ang doktor mismo ay pumunta sa ating bahay kung magkakaroon ng arrangement na ganoon," sabi ni Macachor.
Ayon pa kay Macachor, tama rin na may contingency plan si Max dahil sa posibleng komplikasyon sa panganganak.
Pinananatili naman ni Max ang kaniyang pagiging physically active bilang paghahanda sa home birth.
Napansin din sa isang birthing clinic sa Baguio ang pagdami ng mas pinipiling manganak doon para maiwasan ang pagpunta sa mga ospital.
"We used to have, ngayon 20, 15, mga ganoon. We have to have lot's of clinic to decongest hospitals, kasi marami sa hospital eh," sabi ni Lolita Dicang, midwife ng Our Lady of Lourdes Birthing Clinic.
"Ngayon we have to be strict and make sure that only one patient comes," ayon kay Dr. Grace Doromal, OB-GYN ng Our Lady of Lourdes Birthing Clinic.
Option din ang water birth para sa mga manganganak sa bahay o birthing clinics dahil ang warm water sa pool ay nakatutulong daw para maibsan ang discomfort.--Jamil Santos/FRJ, GMA News