Naging madamdamin at bumuhos ang luha ni Kuya Willie Revillame nang mapanood niya ang ginagawang sakripisyo ng frontliners na patuloy na lumalaban sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
"Pasensya na ho kayo dahil napakalungkot po talaga noon eh, 'yung anak mo hindi mo mayakap katulad ng mga pulis, mga sundalo na nagbabantay... Ang hirap po talaga ng pinagdadaanan nating lahat, hindi lang ho dito 'yan sa Pilipinas, buong mundo po 'yan," sabi ni Kuya Wil.
Kasabay nito, nanawagan din si Kuya Wil na makinig at sumunod na ang mga tao sa patakaran ng gobyerno.
"Sana ho makinig na tayo. Kaya ko pinapapalabas 'yan para malaman niyo kung gaano po kahirap sa isang magulang na hindi mo mayakap 'yung sarili mong anak. Pati 'yung anak nila nilalagay as plastic mahalikan lang, 'yung iba mayakap lang 'yung bata," anang Wowowin host.
"Hindi kasi ito madadaan sa galit eh. Dapat po ito mapakita natin sa inyong lahat, sa ating mga kababayan kung ano ho dapat ang ating gawin. Huwag na po kayong lumabas ng bahay, makinig na kayo sa ating pamahalaan, makinig na kayo sa ating mahal na pangulo. Huwag na kayong mang-intriga, huwag na kayong magmatigas ng ulo dahil tatagal ito," dagdag ni Kuya Wil. -Jamil Santos/MDM, GMA News