Nakabalik na si Kuya Willie Revillame sa Metro Manila mula sa Puerto Galera para ipagpatuloy ang kaniyang "Tutok To Win" at pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa programang "Wowowin," nagpasalamat si Kuya Wil sa mga sangay ng gobyerno na pinayagan siyang makauwi para mas makatulong pa sa mga tao habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Saad ni Kuya Wil, hindi naging madali ang pag-uwi niya at dumaan siya sa mga itinatakdang patakaran ng gobyerno. Sinusunod din daw nila ang patakaran sa social distance sa ipinatutupad nilang programa.
"Gusto ko lang pong magpasalamat sa mga tao pong napagbigyan po ang aking request, baka ho kasi magkaroon ng [issue] ito kung bakit ako nakaalis," saad niya.
"Marami pong salamat sa mga namumuno po ng lahat ng sangay ng gobyerno natin na, kaya po ako pinayagang makauwi dahil maganda po ang layunin, makapagpasaya at makatulong," dagdag ni Kuya Wil.
Saad ni Kuya Wil, gusto na niyang mamahagi ng 2,000 sako ng bigas, sardinas, at mga PPE.
"Sabi ko, huwag nating madaliin, hanapin natin 'yung mga pinakakawawang kababayan natin na talagang walang makain, dapat doon natin dalhin," paliwanag niya.
Sa online show niyang "Tutok To Win," tumatawag si Kuya Wil ng netizens na nanood sa kaniya sa Facebook, Youtube at pati na sa "Wowowin" sa TV.
Kahit nasa bahay dahil sa ECQ, maaaring manalo ang matatawagan ng P5,000 hanggang P10,000.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News