Ipinaabot ni Aicelle Santos ang kaniyang panalangin at pag-aalala para sa kapatid niyang nurse na nasa UK.
Sa Instagram post, pinaalalahanan ng Kapuso singer ang kapatid na frontliner na si Aaron Santos na mag-ingat.
"We honor and pray for all our frontliners, including my brother, a nurse in the UK. Mag-iingat ka palagi @aarondcsantos. God's grace and covering upon you all always.???? We love you.?
At sana mabigyan na kayo ng kumpletong PPE. Hello UK?!" mensahe ni Aicelle sa kapatid.
Dahil sila ang nag-aasikaso sa mga pasyenteng positibo at pinaghihinalaang may virus, lantad sa panganib na mahawahan ang mga nurse at duktor ng sakit lalo na kung hindi kompleto ang gamit nilang proteksyon sa katawan.
Una rito, nagpaabot ng pagbati at pasasalamat ang batikang British broadcaster na si Piers Morgan sa mga Filipino na nagtatrabaho sa National Health Service ng UK.
"Amazing number of Filipinos work in our NHS. Unsung heroes like so many. I just wanna give them a shoutout," saad niya.
READ: Piers Morgan shouts out Filipinos working in Britain's NHS
Tulad ni Aicelle, may kapatid ding nurse si Alden Richards na frontliner naman sa California, USA na mayroon ding malaking bilang ng mga COVID-19 patients.
Kamakailan lang, hindi rin napigilan ni Alden na maging emosyonal dahil sa pag-aalala para sa kapatid.
"Pinipilit ko siya na huwag nang pumasok kasi naka-lockdown sila but sabi niya sa 'kin parang kawawa 'yung mga pasyente," saad ni Alden na sandaling natigilan at sinabing, "Naiyak tuloy ako."
"I feel for him kasi kailangan niyang gawin 'yung trabaho sa community," patuloy ng aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News