Mga vendor na nawalan ng puwesto ang masuwerteng nakakuha ng mega jackpot na P1 million, house and lot at brand new car  nitong Biyernes sa "Wowowin."  Ang isa sa kanila, sa bangketa lang sa Cubao natutulog.

Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni Hermenis na tubong-Southern Leyte kung papaano siya nakipagsapalaran sa Maynila kahit wala siyang kakilala.

Kaya nang dumating sa Maynila at napadpad siya sa Cubao, nagpagala-gala siya hanggang sa makilala niya ang vendor na gumagawa ng mga susi na si Luis, na hindi nakalalakad dahil sa polio.

Kinalaunan, nahulog ang loob nila sa isa't isa at nagsama.

Ang pagtitinda sa bangketa ang ikinabubuhay ni Hermenis at paggawa naman ng susi habang naka-wheelchair ang trabaho ni Luis.

Sa bangketa sa tapat ng isang bangko natutulog si Hermenis habang sa loob naman ng sidecar ng tricycle si Luis. Pero kailangan nilang gumising ng maaga para linisin ang tapat ng bangko upang hindi sila pagalitan.

Kaya nang mapanood ni Hermenis na mga vendor ang magiging kalahok sa Wheel of Fortune, nagbakasakali siyang pumili sa "Wowowin," at hindi naman siya nabigo.

Ang lagi raw niyang pinagdadasalan na tulungan siyang makaahon sa kahirapan, ang kanilang patron sa lalawigan na si San Vicente Ferrer.

Tunghayan ang buong kuwento ng kaniyang buhay sa video na ito ng "KMJS" na nagpapakita kapangyarihan ng dasal, pagsisikap, at pag-asa. Panoorin.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News