Standing ovation hindi lang ng mga judge kundi maging sa studio audience ang nakuha ng Pinoy na si Marcelito Pomoy para sa kahanga-hanga niyang performance sa "America's Got Talent."
Sa Round Two ng "America's Got Talent: The Champions," kinanta ni Marcelito ang "The Prayer," kung saan ipinamalas niya ang kaniyang male at "female" voices.
Ikinagulat agad ng mga tao sa studio at mga judge na sina Simon Cowell, Howie Mandel, Alesha Dixon Heidi Klum, nang madinig ang maliit na tinig ni Marcelo na parang babae.
Pero mas silang namangha nang iparinig na ng Pinoy singer ang kaniyang male vocals.
"Oh my God! That was so unique! You are a beautiful, wonderful singer with a young woman trapped inside of you,” komento ni Howie.
"I want to see something different, something unique and Marcelito you just gave that to us. It was absolutely brilliant!" ayon kay Alesha.
Para naman kay Heidi, "Honestly this is one of the craziest things I've ever heard in my entire life. Your voice, your range, your sound is just so out of this world!"
"That was what I call a 10. As simple as that,” sabi ni Simon.
Hindi rin napigilan ng audience na ibigay ang kanilang standing ovation sa kakaibang performance ni Marcelito.
Pasok si Marcelito sa semifinal round matapos siyang iboto ng "Superfans."
Ang "Superfans" ang mga piling panel ng fans mula sa 50 states ng Amerika na tutulong sa mga judge na piliin kung sino mananalo sa kompetisyon.--FRJ, GMA News