Mula sa pagsabak sa mundo ng kababalaghan, sasabak naman ngayon sa mundo ng pag-arte ang kontrobersiyal na paranormal investigator na si Ed Caluag para sa "Magpakailanman," kung saan itatampok ang kuwento ng kaniyang buhay.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing lalong nakilala si Ed mula nang lumabas siya sa ilang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" kapag may mga kaso ng kababalaghan na kailangang inimbestigahan.
Pero may ibang tao na nagdududa sa kaniyang kakayanan at naging sentro siya ng ilang memes.
Sa darating na Sabado, Enero 4, mapapanood ang kuwento ng kaniyang buhay na siya mismo ang gaganap at pinamagatang, "Sa Aking Mga Mata: The Ed Caluag Story.”
Kuwento ni Ed, may mga makapanindig balahibo rin raw siyang karanasan habang nasa taping ng programa.
"May isang scene na sinasaniban, yung area puro puno. So before namin ginawa 'yon gumawa ako ng simple ritual kasi may mga nakita akong entities sa paligid. Ayaw ko na maka-attract ng tunay na sanib," kuwento niya.
Bukod sa salaysay ng kababalaghan, ipapakita rin sa "Magpakailanman"
ang mga near death experiences ni Ed at mga pagsubok sa buhay na kaniyang pinagdaanan.
Bagaman naging tampulan ng tukso dahil sa kaniyang kakayanan, hindi raw ito dahilan para panghinaan siya ng loob.
"Mas gusto ko sana mag-focus sila na makita nila yung lesson na hindi ka dapat sumusuko sa kung ano yung gusto mo sa buhay," saad ni Ed patungkol sa mensahe na nais niyang iparating tungkol sa kuwento ng kaniyang buhay. --FRJ, GMA News