Nagsalita na si Claudine Barretto at pinasinungalingan niya ang kuwento ng kapatid na si Marjorie tungkol sa nangyaring gulo sa burol ng kanilang ama, na kinasangkutan din ng isa pa nilang kapatid na si Gretchen.
Nakapanayam si Claudine sa pamamagitan ng telepono sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "Saksi" nitong Martes. Ito ang unang pagkakataon na nagsalita ang aktres mula nang sumiklab ang gulo sa burol ng kanilang ama.
Giit ni Claudine, hindi siya ang nagsimula ng gulo at hindi raw niya magagawa na gumawa ng gulo sa harap ng mga nakatatanda at ni Pangulong Rodrigo Duterte na bisita sa burol nang mangyari ang insidente.
WATCH: The Barretto family feud and what you need to know
Kuwento niya, ang ate niyang si Gretchen ang gumawa ng unang hakbang na makipagbati dahil na rin sa mungkahi ni Duterte.
Pero tumanggi umano si Marjorie at idinahilan ang mga umano'y ginawa ni Gretchen sa kaniyang [Marjorie] pamilya at mga anak.
"So sabi ni Gretchen, hindi ako na lang po bilang nakakatandang kapatid. Nag-give way talaga yung ate ko. With all humility. Alam mong napakahirap gawin yun ha. Ikaw ang ate, ikaw ang magpapaubaya," sabi ni Claudine.
READ: Marjorie Barretto, nagsalita ukol sa nangyaring insidente sa burol ng ama
Hindi raw kinaya ni Claudine ang ginawang pagmamatigas umano ni Marjorie sa harap pa mismo ng pangulo.
"Sabi ko, 'Huwag sa harapan ng presidente, Marjorie.' Sabi ko, 'You're unbelievable.' Sabi kong ganun. Ganito ang boses ko ha, hindi ako sumisigaw," kuwento pa Claudine sabay sabing naghi-hysterical na umano si Marjorie.
Giit ni Claudine, may mga kulang at may mga dagdag ang kuwento ni Marjorie.
'Dun sa kuwento niya, maraming kulang or dagdag. Pakiramdam ko, dagdag-bawas. Yung pananakit nila sa akin, physically. Minedico-legal ako," saad ng aktres.
Dahil sa nangyaring gulo, mas lalo raw mahirap sa kaniya ang tanggapin ang pagkawala ng kanilang padre de pamilya.
"Dahil sa gulong 'to hindi pa nagsi-sink in yung pagkawala ng tatay ko. Hindi ko alam kung dahil sa gulong 'to o dahil ayoko pang i-accept," pahayag niya. "Hindi ako okay kasi alam kong hindi okay ang daddy ko, hindi siya masaya sa mga pangyayaring ito."
Samantala, sa Instagram naman idinaan ni Gretchen ang paliwanag kung bakit hindi siya nakabisita sa kanilang ama habang nakaratay sa ospital.
Pinagbawalan daw siyang pumunta sa ospital dahil sa galit ni Marjorie at pag-iwas na magkaroon ng tensyon kapag nakita ang politikong iniuugnay kay Marjorie.
Sabi pa ni Gretchen, ang kanilang ina na rin si Inday Barretto ang nagsabing sadyang hindi umano inimbitahan ni Marjorie ang kanilang ina sa birthday party ng kanilang ama bilang ganti sa pagkampi umano niya [Inday] kay Claudine.
Ayon pa kay Gretchen, wala siyang kapangyarihan para magkaroon ng grand entrance sa burol ng kanilang ama kasama si Pangulong Duterte.
Ipinost din ni Gretchen ang video ng pag-uusap nilang mag-ina sa burol para patunayang hindi siya nag-hysteria gaya umano ng sabi ni Marjorie.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ni Marjorie tungkol sa mga sinabi ng kaniyang mga kapatid.--FRJ, GMA News