Nagdadalamhati ngayon si "The Clash" alumnus Mirriam Manalo sa pagpanaw ng kaniyang anak na si Baby Layla Elleina, matapos ang pakikipaglaban sa sakit nito na Spinal Muscular Atrophy (SMA).
Namaalam ang walong-buwang-gulang na anak ni Mirriam noong gabi ng Oktubre 8 matapos maospital sa Asian Hospital and Medical Center nang dalawang linggo dahil sa pneumonia, na komplikasyon ng SMA.
READ: 'Clasher' Mirriam Manalo, inialay sa anak na may sakit ang single na 'Una Ka'
Sa isa niyang post sa Instagram, inihayag ni Mirriam ang kalungkutan at pamamaalam sa kaniyang baby.
"You are the sunshine of my life, thats why I’ll always be around, you are the apple of my eye forever you’ll stay in my heart. no words can explain the pain I feel in my heart right now’ anak! You will always be in your mama’s heart! I will wait for you again in my tummy but this time no more illness.. You got your wings back to heaven! Rest In Peace. love you so much My Layla Elleina. till we meet again!
Ang SMA ay isang genetic disease kung saan naaapektuhan ang central nervous system at nailalarawan ng panghihina at pagliit ng mga muscle.
Gaganapin ang funeral service ni baby Layla sa hometown ni Mirriam ng Pampanga."Our hearts go out to Mirriam Manalo and her family as they grieve the passing of Mirriam's 8-month-old daughter, Layla Elleina, last October 8," saad ng GMA Artist Center bilang pakikiramay sa pamilya ni Mirriam.
Ang pagpapaospital kay Layla ay nag-iwan sa pamilya ni Mirriam ng mga gastusin sa ospital at pagpapalibing. Nitong mga nakaraang buwan, sinikap ni Mirriam na pagsabayin ang pag-aalaga kay Layla at pagtatrabaho para makaipon sa pagpapagamot sa sanggol.
Dahil dito, nag-organisa ang mga kaibigan at The Clash batchmates ni Mirriam ng isang benefit show para sa kaniyang anak.
Ang "The Clash for Layla" ay gaganapin sa Oktubre 21, 9 p.m. sa Historia Boutique, Sgt. Esguerra, Quezon City.
Makakasamang magtanghal ni Mirriam sina Anthony Rosaldo, Garrett Bolden, Jong Madaliday, Kyryll Ugdiman, girl group na XOXO, at marami pang iba.
"Your much needed support is very much welcome, Kapuso. This will go a long way to ease the burden of our dear Mirriam," saad pa ng GMA Artist Center.-- FRJ, GMA News