Napuno ng kantahan, tawanan at iyakan ang naging huling hirit ni Rhea Santos sa programang Unang Hirit nitong Biyernes, ang kanyang last day bilang bahagi ng pang-umagang barkadahan.

Emosyonal si Arnold Clavio na nagsilbing tatay-tatayan sa show ni Rhea, ayon sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa "Balitanghali."

Nandoon din sina Pia Arcangel at Winnie Monsod.

Nagpaabot din ng mensahe kay Rhea ang 24 Oras anchor at ninong niya sa kasal na si Mike Enriquez, at si News and Public Affairs SVP Marissa L. Flores na ninang naman niya sa kasal.

Nagkaroon ng masayang kantahan sa pagtatapos ng programa.

Samantala, mapapanood naman sa Sabado ang sorpresa kay Rhea ng programang "Wish Ko Lang" kung saan makakasama niya ang idolong si Mega Star Sharon Cuneta.

Nito ring Biyernes, ipinakita ni Rhea sa "Dobol A sa Dobol B" ang kaniyang pagiging certified Sharonian. —Jamil Santos/KBK, GMA News