Masaya pero nahihiya raw ang kontrabida sa Kapuso series na "Sahaya" na si Faith Da Silva kapag may nagsasabi na kahawig niya si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

"Medyo madami-dami na rin po 'yung nakakapagsabi sa akin. Nu'ng una, siyempre nahihiya ako kasi hindi ko talaga makita 'yung sarili ko na kamukha ko siya kasi nakita niyo naman siya, 'yung katawan niya sobrang ganda, 'yung face niya sobrang ganda. Tsaka beauty queen material talaga siya," saad ni Faith sa renewal ng kaniyang kontrata sa GMA Artist Center nitong Martes.

"Eh since I was a kid, isa 'yan sa naging pangarap ko, na maging beauty queen. Pero as of now, siguro more time pa for me, mag-aaral muna nang mabuti para may masagot sa Q&A, 'di ba?" saad niya.

May katangkaran din si Faith na may height na 5'6 kaya tinanong siya kung plano niyang tuparin ang kaniyang pangarap na sumali sa pageants.

"I do, of course I do. Pero as of now, mas nagfo-focus ako sa pag-aartista and then sa pag-aaral. Siguro three years from now or two years from now," pahayag niya.
Nang tanungin kung nakita na niya nang personal si Pia, natatawang sabi ni Faith, "I wish I could see her, para ma-compare," natatawang sabi ni Faith.

"Pero kasi, actually alam naman ng lahat 'yung stories na pinagdaanan niya and I admire her for that. So isa rin siya sa mga inspiration ko," dagdag ng dalaga.

Kasama ni Faith na pumirma sina GMA Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara at Senior Talent Manager Daryl Zamora.

 

 

Napabilang si Faith sa Top 22 survivors ng StarStruck Season 6 noong 2015. Hindi man pinalad na maging Ultimate Survivor, nagkaroon naman siya ng kontrata noon sa GMA Network.

At ngayong nag-renew siya ng kontrata, sinabi ni Faith na gusto pa niyang paghusayin ang kaniyang kaalaman bilang aktres.

"Siyempre hindi lang din sa more projects, 'yung pag-e-evolve ko as an actor kasi gusto ko talaga 'yung gingagawa ko and every time na umaarte ako, 'yung puso ko, 'yung nararamdaman ko, iba 'yung saya talaga na napi-feel ko," ayon sa kaniya.

Kasabay nito, tuloy din ang kaniyang pag-aaral.

"Actually I'm still in high school pero I'm graduating in high school and then after that, hindi ko pa alam kung anong course na kukuhanin ko, pero mayroon naman akong idea. So after that, tingnan natin kung anong mangyayari 'di ba? Malay mo," saad niya.

Natanong si Faith kung ano kaniyang mga ideal role.

"Gusto ko 'yung medyo challenging, 'yung mga baliw-baliw, ganyan, 'yung mga adik-adik, Hahaha! 'Yung mahihirapan ako. Gusto ko na ma-push talaga 'yung sarili ko. And para mapakita ko rin sa mga ibang tao na hindi lang ito ang kaya kong gawin like pagtataray at saka medyo pagse-sexy sexy. Gusto ko na makita din nila na versatile ako as an actor."

At kung bibigyan ng pagkakataon, gusto niyang makatrabaho si Carla Abellana.

"Si Ms. Carla Abellana. I really admire her and nakikita ko kung gaano siya kagaling umarte. Sa TV, 'pag nakikita ko siya and sa videos, ang bait-bait. So gusto kong makita siya talaga in person. Ever since I was a kid pinapanood ko na talaga siya," patuloy niya.--FRJ, GMA News