Nahanap na raw ni Lauren Young ang kaniyang lugar sa showbiz industry sa pamamagitan ng kontrabida role.

Sa pilot preview ng bagong Kapuso series na "Hiram Na Anak" sa GMA Network nitong Biyernes, natanong si Lauren kung hindi ba siya humihingi ulit ng mga bida role.

"Ako kasi, I'm very grateful kung ano 'yung meron ako ngayon. Hindi ako naghahanap ng mas something different. Because when I was in... [another network], I was given the opportunity to be in a lead role. Although it was very fun, now that I'm older, mas kilala ko na 'yung sarili ko, na hindi ko talaga kaya 'yung pressure na binibigay sa isang artista 'pag ikaw 'yung title role," sagot ni Lauren sa mga bloggers at showbiz press.

 

 


"So alam ko na kung saan ako nababagay sa industriyang ito, and alam ko kung saan ako magiging masaya, and that's with the roles that are currently being given to me right now, which is puro kontrabida," kaniyang pahayag.

Hindi aniya iniisip ni Lauren na makipagkompitensya sa kaniyang mga kapwa artista.

"And I never think kasi na 'yung mga role na ginagawa ko is below or above any other role na ginagawa ng ibang artista in a show. All of us have our parts, whether you take 10 scenes a day, five scenes a day, or 14 scenes a day, parang pareho lang tayong nagko-contribute sa isang show," saad niya.

"And for me, it's not a level of, 'Ah 'pag bida ako mas angat ako sa inyo, mas maganda 'yung opportunity ko.' Because, you know, if you really love your craft, you love your work, then kahit anong ibigay sa 'yo, magiging masaya ka," dagdag pa niya.

Gagampanan ni Lauren ang role ni Dessa, ang matagal nang karelasyon ni Benjo (Paolo Contis). Mabubuntis ni Benjo si Wena (Empress Schuck) kaya magkakagulo ang buhay ng tatlo.

Ngunit kung bibigyan ng pagkakataon, bukas pa rin naman di Lauren na tumanggap ng lead roles.

"But although siyempre, if the network thinks na merong bagay sa akin na show in the future na ibigay sa akin na lead role, and if I see na it's something na kaya kong gawin 100%, then I will do it," aniya.

"But siyempre, unfair naman kasi kung papayag ako, tapos I'm not super committed to it, eh 'di malulugi 'yung network siyempre ayoko namang gawin 'yun. So right now, kung ito 'yung ibibigay sa akin, happy na ako. Because I just really do with what's given to me."--FRJ, GMA News