Magkakaibang proyekto ang pagkakaabalahan ni Jennylyn Mercado ngayong 2019. Kabilang dito ang isang psycho thriller movie.
Sa StarBites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ni Jennylyn na dalawang pelikula ang kaniyang gagawin ngayon taon na tiyak na magugustuhan ng kanyang mga tagahanga.
"Magkakaroon ako ng entry sa MMFF (Metro Manila Film Festival) this year. Medyo psycho thriller kaya ibang-iba sa mga ginagawa ko," saad niya.
Matatandaan na hinangaan si Jennylyn sa kaniyang pagganap sa drama-psychological thriller series sa GMA na "Rhodora X" noong 2014.
Kung drama-psychological thriller ang isang pelikula na kaniyang gagawin, romantic-comedy naman ang gagawin niyang bagong series na "Love You 2", na katambal niya si Gabby Concepcion.
Bukod sa showbiz projects, magiging busy rin si Jennylyn sa trainings sa kaniyang pinaghahandaang marathon sa Japan.
"Kailangan ko siyang i-goal eh para gawin ko. Kasi, kung hindi ako magre-register at hindi ko talaga siya plano for this year, tatamarin lang akong tumakbo," paliwanag niya.
Dagdag pa niya, "Nagta-triathlon ako before (swimming, biking at running). Pero hatest ko doon sa three disciplines 'yung running. Pero 'yun 'yung gagawin ko ngayon. Napakalaking challenge." --FRJ, GMA News