Aminado maging ang cast ng pinag-uusapan Kapuso upcoming series na "Kara Mia" na sila man ay natatawa sa mga naglalabasang "meme" sa karakter ng babae na isa ang katawan pero dalawa ang mukha na gagampanan nina Barbie Forteza at Mika Dela Cruz.

Tinawag ni Mika na "napakataba" ng utak ng mga nakakaisip ng kanilang memes.

READ: 'Kara Mia,' pinag-uusapan na online hindi pa man ipinapalabas

Dagdag pa niya, tila natupad daw ang pangarap niyang maging komedyante dahil sa memes.

"Bata pa lang kasi gusto ko nang maging komedyante. So feeling ko narating ko na yung level na 'yon na nakakatawa yung mukha ko," natatawa niyang sabi.

Sabi naman ni Jak Roberto, nakakakuha sila ng idea kung papaano makakagawa ng light moments para sa kanilang serye nang dahil sa memes.

Nagpasalamat din sina Barbie at Paul Salas sa mainit na pagtanggap sa ikalawang teaser ng serye na umabot na sa mahigit 1 milyon ang view sa loob lang ng magdamag.

Umaasa si Barbie na ganito rin kainit ang magiging pagtanggap ng mga tao sa kanilang serye kapag ipinalabas na ito sa telebisyon. -- FRJ, GMA News