Bago makilala bilang si "Pao Pao" sa Kapuso fantaseries na "Encantadia," na tagapag-ingat ng ikalima at pinakamalakas na brilyante, napanood muna ang child star na si Yuan Francisco sa mga TV commercial na kinagiliwan dahil sa kaniyang Boom Boom Pow dance moves.

Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, sinabing nasa audition noon ang apat na taong gulang na si Yuan para sa isang TV series nang ma-discover siya ng isang talent scout.

Ang naturang talent scout ang nag-imbita kay Yuan na subukan ang mga TV commercial. Mula noon ay lagi na siyang natatanggap.

Nasundan ang commercial niya ng fabric softener ng commercial para sa isang keso at fastfood chain.

Noon pa man ay mahilig na ri si Yuan sa pagsayaw at pag-arte, na tinutulungan ng kaniyang ina para ilabas ang iba pa niyang talento. Pero hindi naman sang-ayon ang ama ni Yuan sa paggawa ng anak ng commercials noong una. Ngunit kalaunan ay sinuportahan na rin niya ang gusto ng anak.

Sa murang edad, ipinapaunawa na raw kay Yuan kung paano haharapin ang rejection.

"Pinapaliwanag namin sa kaniya na hindi pa para sa kaniya, parang laro lang kasi, parang naglalaro lang kayo. Minsan natatalo, minsan panalo ka," sabi ni Allan Francisco, tatay ni Yuan.

Hanggang sa mapanood si Yuan ng isang staff ng GMA Network at hinikayat siyang mag-audition sa remake ng "Encantadia" noong 2016. Mula noon, "Pao Pao" na ang pagkakakilala sa kaniya ng mga tao.

Lumabas din si Yuan sa drama anthology na "Magpakailanman" noong 2017. Ayon sa kaniya, hindi raw siya nahirapang umiyak.

Nasundan pa ito ng iba't ibang proyekto tulad ng "Impostora" (2017) at "Victor Magtanggol" (2018), kung saan gumanap siya bilang si Meloy, ang sidekick ni "Hammerman" Alden Richards.

Ayon sa mga magulang ni Yuan, hindi raw nila ini-spoil ang bata at itinuturing nilang hindi artista sa bahay.

Panoorin ang buong kuwento tungkol kay Yuan sa video ng "Tunay na Buhay." -- FRJ, GMA News