Masaya ang Clasher na si Garrett Bolden ngayong pasok na siya sa Top 12 ng Kapuso singing competition na The Clash. Ngunit bago nito, halos sumuko rin siya sa music industry at naisip na kunin na lang ang isang malaking offer abroad.
Presenting the Top 12 contenders of The Clash: ‘Tower of Power ng Olongapo’ Garrett Bolden @gmanews pic.twitter.com/FRTSSMC4V9
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) August 29, 2018
"Actually bago 'yung The Clash, meron akong isang malaking pinromblema, kasi kamuntikan akong masilaw du'n sa offer eh. Iiwanan ko ang grupo ko tapos sa ibang bansa siya kaya lang malaki 'yung suweldo pero soloist ako tapos sama-sama ako sa ibang band. Buti tinanggihan ko kasi nga eto, pumasok 'yung The Clash," sabi ni Garrett sa panayam sa kaniya ng GMA News Online sa The Clash media conference nitong Miyerkoles.
Bago sumali si Garrett sa The Clash, bahagi rin siya ng kaniyang banda ng pitong taon. Nagpe-perform sila sa ibang bansa tulad ng United Arab Emirates at Singapore, at sa mga bar, mga event, birthdays at weddings.
Todo-suporta pa rin ang banda ni Garrett sa kaniya sa pagsali niya sa The Clash.
"Almost. Nu'ng right after humindi ako du'n [sa offer], a few weeks after, nagkaroon ng auditions for The Clash."
Natanong si Garrett kung mas pinili niya ang The Clash kaysa offer sa abroad.
"Oo kasi parang, ultimatum ko sa sarili, kasi I wanted to quit music eh. Siyempre andiyan 'yung opportunities, may mga gigs ako pero parang napapagod na ako, parang ganu'n. Alam ko bata pa ako para mapagod pero naramdaman ko 'yung burnout stage na parang 'Eto na lang ba ang gusto kong gawin sa buhay? Wala naman akong nararating eh. Bakit 'yung iba 18, 19 pa lang nandiyan na, may CD na, 'yung kanta nagpe-play sa radio. Bakit ako?' Sinasabi naman nila okay naman akong kumanta pero bakit hindi ako nabibigyan ng chance? Pati nga sarili ko kinu-question ko, 'yung hitsura ko."
Hindi lang ito ang unang beses na sumali si Garrett sa mga contest. Ayon sa kaniya, sumali na rin siya noon sa iba pang Kapuso contests tulad ng Protégé at Are You the Next Big Star?
"Sumali ako ng contest, natanggal ako, nauwi ako sa pagbabanda, tapos may contest ulit, sali ako, talo, balik ulit sa banda. Ganu'n 'yung nangyaring sequence."
Ngunit hindi lang sa mga contest nakaranas ng rejection si Garrett.
Kapansin-pansin ang kaniyang kakaibang kulay, tangkad, at porma ng buhok.
"'Yung real father ko is African-American, Puerto Rican. Naging problema ko 'yun, growing up in school. Inaasar ka, kakaiba ka, ganiyan. Tapos 'yun nga, puro rejections sa competitions. Feeling ko, sa atin ha sa Philippine market, baka hindi 'yung itsura ko, parang wala pa akong nakitang singer na black na... I mean sa international puwede. Pero 'pag dito ang hirap makakuha ng appreciation ng tao. Nagkaroon ako ng ganoong feeling," sabi ni Garrett.
Nanirahan si Garrett sa Olongapo kung saan doon siya nagsimulang mag-gigs. "Du'n ko masasabi na na-practice talaga ako kasi nag-start ako puro ballad lang ako, Martin Nievera na songs. Eventually na-discover ko kung ano talaga 'yung genre ko."
Naisip niya na rin noong baguhin ang sarili. "Nag-try ako magglutha, nag-try ako magpaputi, nagpaplantsa ako ng buhok, para mag-blend in lang ba pero when I accepted this (The Clash), I got this far."
Sa kabila ng rejections, hindi pa rin tumigil si Garrett sa pagsali sa mga kompetisyon. "Kasi sobrang daming magagaling na singers eh sa atin, pero kaya ako sumasali ng kompetisyon, that's another way para makakuha ka ng record deal, makilala ka ng tao, makagawa ka ng music. Kaya hindi ako tumitigil, although lagi akong natatanggal before."
Ngayong nasa Top 12 na si Garrett, hindi niya nakikitang titigil pa siya sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap.
"If you love singing, don't stop. Maraming, maraming, maraming temptations na tumigil ka na, pero don't stop kasi sabi ko nga eh, if I stop nu'ng times na naisip ko na tumigil na, I wouldn't reach this far."
"At saka embrace yourself. Pinoy ako pero iba itsura ko, iba 'yung kulay ko. Embrace yourself. Don't be like others. Kung hindi ka bumibirit, eh 'di hindi ka bumibirit. Hindi rin naman nila nagagawa 'yung ginagawa mo," sabi pa ng singer. — MDM, GMA News