Sa programang "Tunay Na Buhay," natuklasan na basketball ang isa sa paboring sports ng Kapuso star na si Kim Rodriguez. Katunayan, naging basketball player pala siya sa eskwelahan noong high school.

Kasama ang host ng programa na si Rhea Santos, binalikan ni Kim ang kaniyang alma mater sa San Mateo, Rizal, kung saan nakita pa niya ang kaniyang mga guro at adviser.

Kasabay nito, ipinamalas din ni Kim ang kaniyang husay sa basketball  kung saan point guard ang naging posisyon niya noong naglalaro pa siya para sa kanilang eskwelahan.

Samantala, inihayag din ni Kim sa programa na kabilang sa mga hilig niyang gawin ang pagdi-DJ.

Ayon sa aktres, nagsimula siyang magsanay sa pagdi-DJ sa paghiram sa mga gamit ng mga kaibigan niyang DJ. Hanggang sa kinalaunan ay makabili na siya ng mga saril niyang gamit tulad ng controller mixer, speaker at laptop.

Sa kaniyang bahay sa Antipolo, nagsisilbing DJ si Kim sa tuwing may mahahalagang okasyon tulad ng reunion o birthday.

Ipinasilip din ni Kim ang kaniyang mga awards, kabilang ang pagiging New Movie Actress of the Year at German Moreno Youth Achievement Award.

--FRJ, GMA news