Hindi napigilan ng Kapuso actress na si Kim Rodriguez na maging emosyonal nang mapag-usapan sa programang "Tunay Na Buhay" ang kaniyang yumaong lola na nagpalaki sa kaniya.

Kuwento ni Kim sa host na si Rhea Santos, bata pa lang siya nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang kaya lumaki siya sa pangangalaga ng kaniyang lola.

Sabi ni Kim, pangarap para sa kaniya ng kaniyang lola na maging artista siya.

Augusto 14, 1994, nang isilang si Kim, o Kim Jerami Empasis Rebadulla sa tunay na buhay, at pang-apat sa pitong magkakapatid.

Tubong Marikina ang kaniyang pamilya, ngunit hindi na naranasan ni Kim na makasama sa bahay ang kaniyang ama at ina.

Sa kanilang paglaki, nagkaroon din umano ng katanungan noon kay Kim kung bakit nag-abroad ang kaniyang ina para magtrabaho.

"Naintindihan ko naman po [ngayon] pero nu'ng bata ako parang 'Bakit siya umalis?', marami pong tanong. Pero ngayon pong malaki na ako nasagot ko na. kailangan niya umalis para sa akin," sabi ni Kim.

Hindi makakalimutan ni Kim ang kaniyang lola, lalo nang ito'y ma-stroke.

"Masaya na ako 'pag sabay kaming nagdi-dinner kasi kaming dalawa lang sa bahay, minsan siya ang nagluluto. Tapos nu'ng na-stroke po siya, ako na po 'yung nag-aasikaso sa kaniya, nagpapalit ng diaper niya," kuwento niya.

Namatay ang lola ni Kim noong 2009 dahil na rin sa edad at mga karamdaman.

Matapos nito, sinikap ni Kim na makapasok sa showbiz at magsimula bilang extra.

Napanood si Kim sa Kapuso shows na "Reel Love: Tween Hearts" (2011) kung saan "Kim Komatsu" pa ang screen name niya. Nakasama rin siya sa "Sinner or Saint" (2011), "Kakambal ni Eliana" (2013), "Strawberry Lane" at "Paraiso Ko'y Ikaw" (2014), "Buena Familia" (2015), "Destined To Be Yours" (2016), "Haplos" (2018) at ngayo'y sa "Inday Will Always Love You" (2018).

Bukod sa drama at ngayon ay kontrabida sa "Inday Will Always Love You," sinabi ni Kim na nais din niyang subukan ang mga maaksyong eksena. --FRJ, GMA News