Bukod sa pinansiyal na tulong, nagpapakita rin ng personal na suporta ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa mga magulang at sa mga batang may bingot na tinutulungan ng isang foundation na mabigyan sila ng magandang ngiti.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, naglaan ng panahon si Marian para bisitahin ang mga batang sasailalim sa cleft palate surgery ng Smile Train Foundation, na sinusuportahan ng aktres.
Bilang isang hands-on mom sa anak na si Zia, sadya raw malapit sa puso ni Marian ang mga bata. Kaya naman isa-isa niyang kinarga, niyakap at nilaro ang mga batang may bingot.
Hangad daw ni Marian na magkaroon ng perfect smile ang mga bata.
"Ano pa ang magiging kabuluhan ng buhay ko kung hindi ko rin ma-e-extend sa ibang tao. Kaya sa maliit kong paraan at least makatulong ako," sabi ng aktres.
Dahil nalalapit na rin ang anibersaryo ng kaniyang online flower shop, bahagi ng kikitain ng shop ay mapupunta sa mga proyekto ng Smile Train.
"Nang dahil sa kanila marami kaming mabibigyan na batang mao-operahan nang libre," patuloy niya.
Gaya ni Marian, busy rin ang kaniyang mister na si Primetime King Dingdong Dantes sa mga advocacy at charity work, tulad ng mga proyekto ng Yes Foundation.
Paraan daw ito ng mag-asawa para pasalamatan ang mga kapuso na tumulong sa kanila na marating ang tagumpay nila sa showbiz.
Ngayong Semana Santa, ilalaan daw ni Marian ang panahon para sa pamilya at sa Panginoon. At pagkatapos nito, sasabak muli siya sa kabi- kabilang acting projects na kabibilangan ng bagong serye at pelikula. -- FRJ, GMA News