Bukod kay Alexander Lee, isa pang Korean actor ang mapapanood sa GMA romantic-comedy series na " My Korean Jagiya" na si Andy Ryu, na dating napanood sa ilang sikat na Korean series tulad ng "Queen Seondeok" at "Cinderella Man."

Sa artikulo ni Rommel Gonzales sa PEP.ph nitong Lunes, sinabing apat na beses nang nagpupunta sa Pilipinas si Andy pero ito ang ngayong pagkakataon na magtatrabaho siya sa bansa.

“First time pumunta ako sa Manila, one time pumunta naman ako sa Cebu and another time sa Bohol, for vacation,” ang kuwento ni Andy sa pamamagitan ng isang Korean interpreter dahil sa wikang Koreano lamang bihasa si Andy sa ginanap na pocket interview sa kanila ni Heart Evangelista para sa "My Korean Jagiya."

Sa GMA series, gagampanan ni Andy ang role ni Lee Gong Woo,  na magiging karibal ni Kim Jun-ho, na ginagampanan sa serye ni Alexander, sa puso ni puso ni Gia, na karakter naman ni Heart.

Sabi ni Andy, kinabahan siya nang ialok sa kaniya ang proyekto.

“Nung narinig ko na in-offer sa akin itong project na ito kinabahan po ako kasi inisip ko na, ‘Possible kaya ito?’

“Kasi nga because of the language barrier.

"Pero tinanggap ko ang project na ito because gusto ko ring makilala yung mga fans dito sa Philippines at makabuo rin ng mga fans hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t-ibang parte ng Asia as well,” saad ng aktor.

Ikinuwento rin ni Andy na alam niya may show sa Pilipinas na "My Korean Jagiya" dahil ang magkaibigan ang manager niya at manager ni Alexander.

“Noong sinabi na kailangan ng may cast na bago para sa My Korean Jagiya, nung sinabi sa akin na kung gusto ko na i-recommend ako for the role, nag-oo ako kaagad kasi alam kong exciting ang new experience na ito para sa akin as well.”

Nang tanungin kung handa ba siyang maikumpara kay Alexander, nakangiting tugon ni Andy, “Sa akin iba naman yung character ni Jun-ho sa character ni Gong Woo saka iba yung charm na meron si Alexander, iba po yung charm ko.”

“And as long as I do my best alam ko na tatanggapin at mamahalin ako ng mga tao, ng mga Pilipino.” -- FRJ, GMA News