Halos lahat umano ng kuwento ng buhay ng mga totoong tao na itinatampok sa GMA drama anthology na "Magpakailanman" ay sadyang nakaantig ng damdamin. Pero pag-amin ng host na si Tita Mel Tiangco, may ilan sa kanila ang labis na tumatak sa kaniyang puso at isipan.

 


Sa ginanap na press conference para sa 5th anniversary ng show nitong Martes sa GMA Network, binalikan ni Tita Mel ang tatlong istorya na tungkol sa mga ina.

Kabilang dito ang kuwento ng isang ina na binubugbog ng tatlo niyang anak na mga schizophrenic.

"We had a story about a mother who have three sons. All of her three boys were schizophrenic. Ngayon, when I was interviewing the mother, I couldn't help but cry kasi... my God... Imagine that, binubugbog siya ng tatlo niyang anak. 'Pag wala siyang maibigay na pera, binubugbog siya," sabi ni Tita Mel.

Gumawa raw ng paraan ang "Magpakailanman" para matulungan ang naturang nanay.

"Alam mo, pumupunta itong mother niya sa amin kasi binibigyan namin ng gamot. We brought those three sons to the mental hospital to have them checked and it only required one pill a day to calm them down. So we would give them their medicines for several months. Minsan dalawang buwan, minsan tatlong buwan 'yung medicines nila para mag-calm down 'yung mga anak niya. Para at least 'yung mother makapagtrabaho. Kasi 'yung mother naglalabada lang, 'yung menial jobs, naglilinis siya ng bahay then she gets paid for it," kaniyang pagpapatuloy.

Aminado si Tita Mel na hindi niya maisip ang pagdurusang dinanas ng ina.

"'Yung istoryang 'yun, na-touch ako ru'n sa suffering nu'ng mother. Alam mo, mahal na mahal niya 'yung mga anak niya. Intinding-intindi niya why she is going through that suffering. Ako hindi ko maintindihan why she should go through that suffering."

"Ang problema diyan actually is poverty. Tatanggapin ng mga ina, ganu'n ang magagawa mo 'di ba, but you seek help for the child para mabuhay ng normal," kaniyang dagdag.

Ang isa pang istorya na binanggit ni Tita Mel ay kuwento ng isang ina na mayroong mga anak na may sakit sa dugo na anumang oras ay maaaring pumanaw.

"May isa pa. 'Yung mother naman, apat ang anak niya, kailangan uminom ng gamot. Kasi namatay na 'yung una, namatay na 'yung pangalawa. It's in the blood eh. 'Pag hindi nakainom 'yung anak ng gamot, 'yung dalawa, mamamatay din. Eh ang gamot P1,800 a piece. Iinom ng tatlong beses isang araw. Saan mo kukunin 'yung perang 'yun?," paglalahad niya.

Patuloy ni Tita Mel, "Iyak din ako ru'n. Kasi, sabi niya, wala siyang pera, hindi niya napapainom 'yung mga anak niya ng gamot. Sa umaga raw 'pag mulat ng mata niya, feeling na niya agad 'yung mga anak niya kukuhanin na. Inaasahan na niya na very soon..."

Sinabi ni Tita Mel na natulungan nila ang dalawang ina sa pamamagitan na rin ng Red Cross.

Ang isa pang istorya na hindi rin malilimutan ng batikang host at "24 Oras" anchor ay ang kuwento ng isang ina na may diperensiya sa pag-iisip at kinain ang sarili niyang anak.

"Hindi ako 'yung taong mahilig sa horror, kaya lang ito, I told myself, it will convey now to my televiewers na itong mga ganito, lalo na sa probinsiya... Sa probinsiya kasi, 'pag nagkaganyan ka, medyo kakaiba kang kumilos, sasabihin sa 'yo, kinukulam ka. Itong istoryang ito, sinabi, no mean terms, that this woman suffered from a psychiatric condition," paglalahad ni Tita Mel.

Nakagigimbal man ang istorya, sinabi ni Tita Mel na kapupulutan iyon ng aral tungkol sa sakit sa pag-iisip na hindi dapat balewalain.

"Parang gusto mong ipa-[convey] sa tao na ito ay isang disease. 'Pag ikaw ay taong hindi ka normal kumilos, magpatingin ka sa doktor, hindi 'yung ia-albularyo ka, hindi ganu'n," aniya.

Gusto raw talaga ni Tita Mel na bukod sa mga magagandang istorya, ito rin ay may mensahe at kapupuluntan ng aral.

"I like stories like that eh na may kino-convey sa mga televiewer. In short, hindi lang sa nagagandahan sila sa istorya, may natututunan sila, may napupulot silang aral," sabi pa niya.

At kapag nakapaghahatid daw ni Tita Mel ng mga totoong kuwento ng mga totoong tao, "Parang nakukompleto ang fulfillment ko."-- FRJ, GMA News