Buong tapang at lakas na nakipagtulakan sa pinto ang isang ina upang pigilan ang tatlong kawatan na nais pumasok sa kanilang bahay sa India.

Sa ulat ng GMA Integrated News, ipinakita ang CCTV footage na hawak ng pulisya ang pag-akyat sa bakod ng tatlong kawatan para makapasok sa bakuran ng balak nilang biktimahin.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nag-aalahas ang mister ng ginang at wala ito sa bahay nang mangyari ang insidente.

Nang sandaling iyon, ang dalawang anak lang ng ginang ang kasama nito sa bahay.

Nagsasampay umano ng damit ang ginang sa itaas ng bahay nang makita niya ang pag-akyat ng mga kawatan sa bakod.

Dali-dali siyang bumaba para i-lock ang pinto upang hindi makapasok ang mga kawatan.

Sa video footage, makikita na pilit na binubuksan ng mga kawatan ang pinto na hinaharang naman ng ginang.

Nang makakuha ng tiyempo, tuluyang na-i-lock ng ginang ang pinto at hinatak pa niya ang sofa para iharang. Kasunod nito ay tumawag na siya sa pulisya.

Nadinig naman ng mga kapitbahay ang komosyon at tinawagan nila ang mister ng ginang na nasa shop nang mga oras na iyon.

Wala nang nagawa ang mga kawatan kung hindi ang tumakas.

Nasa pangangalaga ng pulisya ang video footage ng insidente na gagamitin para matukoy at mahuli ang mga kawatan.--FRJ, GMA Integrated News