Ibinahagi ng Kapuso comedy genuis na si Michael V. ang naging inspirasyon niya para sa kaniyang awitin na "Salarin, Salarin," na parody ng kantang "Salamin, Salamin ng BINI.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing umabot na sa 22 milyong accumulated views sa social media ng "Salarin, Salarin" na unang nasilayan sa "Bubble Gang" noong September 29.
Ayon kay Michael V na kilala rin bilang si Bitoy, ang murder mystery series na "Widows' War" ang naging inspirasyon niya sa paggawa ng "Salarin, Salarin."
"Na-inspire ako nung 'Widows' War' kasi marami nang lumalabas na mga murder mystery na mga soap ang GMA. This is probably the first and only murder mystery music video na gagawin ng BINI-b10," pagbahagi niya.
Kasama ni Michael V. sa kaniyang grupo na tinawag na BINI-b10, sina Kokoy De Santos, Matt Lozano, Buboy, at Betong.
Ayon pa kay Bitoy, hindi imposible na magkaroon din ng sequel ang parody song gaya ng mga ginagawa sa series.
Pero paliwanag niya, ang layunin niya sa kaniyang ginagawa ay magpasaya ng mga tao.
"'Yun lang naman ang importante sa akin, so minsan nga nalalagyan ng kulay na hindi naman talaga necessary at saka hindi naman talaga intended, so okay sige minsan nagiging mas malawak 'yung pananaw ng audience tungkol dun sa mga ginagawa namin. Pero tandaan niyo lang, ang gusto lang namin ay magpasaya ng mga tao, to entertain people," paliwanag niya.
Napapanood ang "Widows' War" na kinatatampukan nina Bea Alonzo, Carla Abellana, Jean Garcia, Tonton Gutierrez, at maraming iba pa, gabi-gabi sa GMA Prime sa ganap na 8:50 p.m. pagkatapos ng "Pulang Araw."
Samantala, tuwing Linggo naman napapanood ang “Bubble Gang” sa ganap na 6:10 p.m. sa GMA Network at GTV. — FRJ,GMA Integrated News