Naantala ang pagpapauwi sa mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa Lebanon dahil sa nakanselang mga biyahe ng eroplano dulot ng pag-atake ng Israel sa grupong Hezbollah.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), mayroong 15 OFWs ang dapat na aalis ng Lebanon noong September 25, 2024, pero naurong ang kanilang flights dahil sa nangyaring pagsabog sa Beirut.

"The continued cancellation of outbound flights by major airlines due to the recent explosions in Beirut also delayed the repatriation of 15 OFWs who were originally set to leave Lebanon on September 25, 2024," ayon sa pahayag ng DMW.

Sa 15 OFWs, tatlo sa kanila--kabilang ang isa na may medical condition-- ang naurong ang biyahe pauwi sa October 11, 2024. Habang makakasama naman ang natitirang 12 sa 17 pang OFWs na nakatakda ang repatriation sa October 22, 2024, "barring unforeseen circumstances," ayon sa DMW.

Inihayag din ng DMW na inaasikaso rin ng Migrant Workers Office (MWO) sa Beirut ang repatriation ng 63 pang OFWs na kompleto na ang dokumentasyon at maaari nang umalis ng Lebanon.

Inihayag ng Israeli military nitong Miyerkules na isinagawa ang air strikes sa Beirut para targetin ang mga Lebanese militant group na Hezbollah.

Ayon sa DMW, ligtas ang 63 OFWs na nasa pangangalaga ng MWO-Beirut. Bukod pa ito sa 16 na overseas Filipinos na pansamantalang tumutuloy din sa isang rental facility sa Beit Mery.
 
"As there is a temporary suspension of operations in some offices in Beirut due to the recent explosions, there are more than 100 OFWs awaiting clearance from the immigration authority, before they will be scheduled for repatriation," sabi ng DMW.  

Tiniyak din ng DMW ang buong tulong ng gobyerno sa mga OFW, at makatatanggap sila ng financial assistance mula sa DMW AKSYON Fund at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Mayroon na umanong 430 OFWs at 28 dependents ang natulungan nang makauwi sa Pilipinas mula sa Lebanon. Nagawa ito sa pagtutulungan ng DMW, OWWA at  Department of Foreign Affairs (DFA).

"A contingency plan is also in place to ensure the welfare and safety of OFWs in Lebanon in any eventuality," ayon sa DMW.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Miyerkoles, sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na walang Pilipino na nasaktan sa ginawang pag-atake ng Israel sa Lebanon. —FRJ, GMA Integrated News