Dinakip ng mga awtoridad sa kaniyang bahay sa Balingasag, Misamis Oriental ang isang guro dahil sa panghahalay umano sa kaniyang mga estudyante. Ang mga video at larawan ng mga biktima, ikinakalat pa umano sa internet.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing pinuntahan ng mga awtoridad ang bahay ng 43-anyos na suspek sa Barangay Waterfall dala ang search warrant.
Sa naturang operasyon, nasagip umano ng mga awtoridad ang anim na menor de edad-- apat na lalaki at dalawang babae.
Nakuha rin sa bahay ang mga gadget na naglalaman ng sensitibong videos ng mga biktima na kasama ang suspek, na isang guro sa isang public elementary school sa naturang lalawigan.
“Ginagalaw niya talaga yung mga bata [na] masama man pakinggan lalo na’t naka-public yata tayo pero 'yun ang ginagawa niya sa mga bata. Nagkakaron ng sexual activities with these minor victims,” ayon kay PNP-WCPC Mindanao Field Unit Chief, Lieutenant Colonel Mario Baquiran.
Ayon sa pulisya, inamin umano ng suspek na binibigyan niya ng P300 hanggang P500 ang mga biktima matapos gawan ng kahalayan.
“Inamin mismo ng suspek na bawat galaw niya sa mga bata ay binabayaran niya ng P300 up to P500 yun ang mga binibigay niya. So siguro ang mga bata nagkakapera rin sila kaya ok lang sa kanila na nangyayari ang ganitong sitwasyon,” sabi ni Baquiran.
Hindi na muna pinayagan ng pulisya ang mga mamamahayag na makausap ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act (RA 11930).
Ipinayo ni Baguiran sa mga magulang na alamin kung saan magpupunta ang mga anak lalo na kung weekends.
Sa kaso ng suspek, sinabi nito na nagagawa nitong utusan ang kaniyang mga estudyante na papuntahin sa bahay niya at doon inaabuso ang mga biktima. --FRJ, GMA Integrated News