May bagong "in" na Christmas tree na iniaalok tuwing Ber months, na bukod sa matibay, praktikal pa dahil purong mga kahoy ang materyales at hindi ginagamitan ng mga dahon. Kahit hindi na Pasko, puwede pa rin daw itong gamitin.
Sa isang episode ng "Pera Paraan," itinampok ang negosyong "Tito Pogi's Wood Works" ng mag-partner na sina Yanesa Faye Tolentino at Anne Crezel Sta. Ana, na nag-aalok ng iba't ibang wood projects.
Bukod sa mga bed frame, gumagawa rin sila ng mga Christmas decors at candle holder tuwing Ber months.
Magkakaiba ang mga sukat nila ng Christmas tree na kadalasang dalawa hanggang 10 talampakan ang taas, na iba-iba rin ang disenyo, depende rin sa request ng kliyente.
"Sabi nila, aesthetic daw, modern, and bago sa paningin nila, at saka madali daw i-decor, madali ding iligpit. After Christmas, ang ginagawa ng iba, lalagyan na ng mga halaman sa garden nila," sabi ni Sta. Ana.
Upang mabuo ang kanilang mga produkto, ang kani-kanilang mga ama ang gumagawa na sina Nicanor Tolentino at Robert Sta. Ana.
Matapos makagawa ng isang sample Christmas tree, nag-post sila online para ipakilala ang kanilang mga gawa.
Sa pagsapit ng ber months, doon na sobrang dumadami ang inquiries at order. Ngunit kung buong taon, may mga nagpapagawa rin ng mga ibang disenyo at hindi naman Christmas tree.
Tulong-tulong din sila sa pagbubuhat ng mga gamit at paglilinis ng mga produkto.
Maliit lang daw ang kanilang puhunan at humihingi sila ng down payment sa mga nag-order upang matiyak ang cancellation policy.
Kaya naman tuwing Ber months, pumapalo ang kanilang kita ng P250,000 hanggang P300,000.
"Sobrang laking bagay nu'ng ginawa namin. Hindi lang sa amin eh. Para sa pamilya talaga namin ito," ayon sa mag-partner.
Panoorin sa video kung papaano nila ginagawa ang kakaiba nilang Christmas tree.-- FRJ, GMA Integrated News