Bukod sa kare-kare at lumpia, kinahihiligan na rin ng mga Amerikano sa sa Seattle, USA, ang Pinoy meal na corned beef silog, porksilog, at ube pancakes sa Ludi's Restaurant.
Sa labas ng kainan, makikita ang mahabang pila ng mga parokyano na kabilang ang mga Amerikano, at maging ibang lahi.
"Actually, it wasn't just Americans in line earlier, there were Indians, Lebanese, and even Europeans. It's heartwarming how they appreciated Filipino food," ayon sa isang Filipino-American na suki rin sa restaurant.
Sabi ng isang American customer, "Filipino food is so good; the more people know about it, the better."
Nang tanungin ang isa pang American customer tungkol sa tapsilog at iba pang specialties ng Ludi's, pahayag nito, "Amazing! The meat is super tender, really flavorful, rice cooked perfectly with garlic. Unbelievable!"
Pag-aari ni Gregorio Rosas, o "Tito Greg" ang Ludi's restaurant, na dating dishwasher at houseboy sa isang kainan.
Dahil marunong magluto, na-promote si Rosas bilang assistant cook.
Maagang naulila sa mga magulang si Rosas sa Pilipinas. Natuto siya na magluto dahil sa kaniyang foster mother na si Aling Ludy.
"I didn't have parents; I was raised by Aling Ludy who owned a canteen," kuwento niya.
Dahil sa pagsisikap at katapatan, ipinagkatiwala ng among Amerikano kay Rosas ang kainan bago ito pumanaw.
Noong 2008, gamit ang naipon, itinayo ni Rosas ang restaurant na ipinangalan niya sa nag-alaga sa kaniya at nagturong magluto na si Aling Ludy (Ludi).
Bukod sa paghanga ng mga kostumer, kinilala rin ng local government ng Seattle ang kontribusyon ang Pinoy restaurant sa kanilang lugar.
Hindi raw inakala ni Rosas na tatangkilin ng mga Amerikano ang lutuing "silog."
"Love what you do and be genuine to yourself because people will see that. And once they realize you are very welcoming, that's when you connect," saad niya. —mula sa ulat ni JP Soriano/FRJ, GMA Integrated News