Lalaki sa Tondo, Maynila patay matapos saksakin at mahulog mula sa motorsiklo.
Kuha sa CCTV ang isang bahagi ng Tayuman Street sa Tondo, Maynila kung saan makikita ang isang motorsiklo na biglang nag counterflow.
Maya-maya, makikita na nalaglag ang backride nito, pero hindi siya binalikan ng rider.
Tumagal ng mahigit kalahating oras bago dumating ang rescue team at isinugod sa ospital ang biktima kung saan napag alaman na nasaksak pala siya.
“Dead on arrival ito so kung kayat yung ating imbestigador nagpunta doon sa ospital para mag imbestiga at doon napag alamanan na itong biktima ay sinaksak sa isang sa tapat ng isang bar sa may malapit sa pritil,” ani Police Captain Dennis Turla, Manila Police District Homicide Section chief.
Sabi ng mga pulis, kaibigan daw ng biktima ang rider na inangkasan niya pero hindi na siya binalikan nito dahil hinahabol daw sila ng suspek.
Sa kuha ng CCTV sa labas ng bar, makikita ang biktima na pasakay na sana ng motorsiklo.
Pero, isang lalaking nakaputi na tumatakbo ang biglang sumaksak sa dibdib ng biktima.
Agad nagkasa ng follow up operation ang mga pulis at nahuli ang suspek sa isang computer shop sa Tondo.
Aminado ang suspek sa kanyang nagawa pero iginanti lang daw niya ang kanyang kapatid na binugbog umano ng biktima.
Hindi rin daw niya lubos akalain na mamamatay ang lalaki.
Natatakot daw siya ngayon dahil mayroong nagbabanta sa buhay ng kanyang pamilya.
“Dumalaw po yung mama ko dito dahil sabi, kapatid ko nga raw po alanganin yung lagay nya dahil may mga banta raw po na naririnig na yun nga kapag nakita raw po kapatid ko ganun lang din po yung mangyayari, kahit sino daw po sa pamilya ko po,” ayon sa suspek.
Pero, mariing itinanggi ito ng pamilya ng biktima.
“Wala po kaming binabanta sa kanya, wala po kaming sinasabing masama laban sa kanya. Basta nahuli po siya. Nagpasalamat po 'ko dahil mabilis ang pagiging responde ng kapulisan,” ayon sa ina ng biktima.
Ayon sa pulisya, na-inquest na ang suspek na nahaharap sa reklamong murder.
Hinahanap din nila ang kaibigan ng kapatid nito na nagbigay umano ng panaksak sa suspek.
Patuloy na inaalam kung ano ang dahilan ng pag-aaway ng biktima at ng kapatid ng suspek na nauwi sa pagkamatay ng biktima. — BAP, GMA Integrated News