Tatlo ang nasawi, kabilang ang dalawang bata, nang mabangga ng isang dump truck ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima sa Candaba, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya sa Candaba-Baliuag Road sa Barangay Pulong Palazan.

Galing sa Bulacan ang tricycle at maghahatid ng pasahero sa Candaba nang masalpok ito ng truck na nanggaling sa Porac.

Binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkabilang linya ng kalsada nang bigla umanong nag-U-turn ang tricycle.

"Bigla pong nag-U-turn si tricycle, hindi po na-anticipate ni truck [driver] kaya ayun nag-collide po sila," ayon kay Police Major Michael Pamintuan, hepe ng Candaba Police. "Hindi naman sila mabilis. Dahil hindi na-anticipate ni truck [driver], nakaladkad pa rin yung tricycle."

Edad dalawa at lima ang dalawang bata na nasawi, kasama ang isa pang pasahero na 47-anyos.

Sagutan din ang driver ng tricycle at ang kaniyang live-in partner na dinala sa ospital.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng truck na mahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, injuries, and damage to property.-- FRJ, GMA Integrated News