Maraming animal lovers ang naantig ang damdamin sa nangyari sa chimpanzee na si "Natalia" na pitong-buwan na kinarga at niyayakap ang kaniyang bagong silang na anak kahit patay na.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagsilang ng anak si Natalia nitong nakaraang Pebrero sa Bioparc Valencia, na isang zoo sa Spain.
Ngunit dalawang linggo lang matapos manganak, pumanaw ang baby chimpanzee.
Pero sadya yatang mahirap magpaalam ang isang ina sa namayapa niyang anak maging sa ilang uri ng mga hayop gaya ng mga chimpanzee.
Kahit patay na kasi ang baby chimpanzee, hindi pa rin binitawan ni Natalia ang labi ng kaniyang anak. Sa loob ng maraming buwan, karga pa rin niya ito at niyayakap--hanggang sa naagnas na at naging buto na lang.
Ngayong Oktubre, sinabi ng pamunuan ng zoo na tila natanggap na ni Natalia ang nangyari sa kaniyang anak.
Maingat daw na ibinaba ni Natalia sa damuhan ang labi ng kaniyang anak at saka niya iniwan.
Doon na nagkaroon ng pagkakataon ang mga zoo keeper na kunin ang labi ng baby chimpanzee para mailibing nang maayos.
Sa nakaraang pitong buwan, ipinaliwanag ng Bioparc na sadyang hinayaan lang nila si Natalia na hawakan ang labi ng anak.
Pagrespeto raw kasi ito sa natural na proseso ng kaniyang pagluluksa. Nangyayari din daw ito sa wild bagaman mas mahaba sa karaniwan ang tagal ng pagluluksa ni Natalia.
Namatayan na rin ng anak si Natalia noong 2018 kaya mahigpit na binabantayan ng zoo ang behavior niya.
Ipinapaliwanag naman daw sa mga bumibisita sa zoo ang sitwasyon noong nakikita nila ang ginawa ni Natalia sa namayapang anak. -- FRJ, GMA Integrated News