Sa mga Kapuso actor, si Alden Richards ang pinili ng ‘Vivamax’ stars na sina Robb Guinto at Azi Acosta na gusto nilang maka-date. Alamin kung bakit.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sumalang sa segment na "Pick and Talk!" sina Robb at Azi, kung saan magpapakita ng pares ng larawan ng mga aktor at pipili sila ng isa.

Sa unang set ng mga larawan, sina Miguel Tanfelix at Kelvin Miranda ang ipinakita. Unang pinapili si Azi, at pinili niya si Miguel.

Ayon kay Azi, bata pa lang ay nakikita na niya sa TV si Miguel sinabi niyang, "Pangarap ko to!"

Pinili rin ni Robb si Miguel na tinawag niyang "sobrang pogi."

Sa sumunod na set ng larawan, sina David Licauco at Derek Monasterio naman ang ipinakita.

Kapuwa pinili nina Robb at Azi si David, na inilarawan nilang "baby face" at mukhang "mas mabango."

Sina Alden Richards at Ruru naman ang ipinakita sa ikatlo at huling set ng larawan ng mga aktor.

Muli, magkapareho ang pinili nina Robb at Azi na si Alden, na parehong nag-pabebe wave nang tanungin kung bakit si Alden ang kanilang pinili.

Bago matapos ang segment, tinanong ni Tito Boy sina Robb at Azi na kung sakaling may mag-imbita sa kanila ng date mula sa anim na Kapuso actor, sino ang gusto nilang maka-date?

Parehong pinili nina Robb at Azi si Alden.

Nang tanungin kung bakit si Alden, sinabi ni Robb na marami siyang nais na itanong sa aktor at nais niyang makahingi ng advice pagdating sa acting.

Samantala, inihayag ni Azi ang paghanga kay Alden dahil malayo na ang narating nito mula noong nag-uumpisa pa lang bilang artista.

"Nag-start siya naririnig ko po yung mga interview niya dati na kasabay niya raw yung production sa pag-uwi sa service [vehicle] tapos now sobrang yaman niya na," ayon kay Azi na gusto ring makahingi ng advice kay Alden about acting.--FRJ, GMA Integrated News