Bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga sundalo, naglaan ng special episode ang "Wowowin" para sa kanila. Ang ilang sundalo na nanood sa studio, kabilang sa mga napasabak sa labanan sa Marawi City.
Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing bahagi ito ng pagpapasalamat ito ng "Wowowin" para sa kanilang kabayanihan.
Maliban sa pagbibigay ng kasiyahan, hinandugan din ng papremyo ang mga sundalo na game na sumali sa mga palaro tulad ng "Hep Hep Hooray!"
Hinandugan naman ng Filipina singer na si Dessa ng kantang "Iisang Lahi" ang mga magigiting na bayani bilang pagpupugay.
Nakisaya rin sa programa ang sikat na singer na si Rico J Puno.
"Nagpapasalamat kami kasi na-invite kami dito, kumbaga nabibigyang halaga na 'yung Philippine Army or 'yung AFP. Maganda, masaya, nagenjoy kami," sabi ng isang sundalong babae.
"Masaya naman sir na na-recognize naman 'yung kabayanihan ng mga sundalo through nationwide and worldwide, maraming ibinigay na regalo ang 'Wowowin,'" sabi ng isa pang sundalo.
Mayroon pang part 2 ng "Wowowin" special episode kasama ang ating mga sundalo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News