Sa halip na gumanda, dusa ang inabot ng tatlong magkakaibigang Nina, Maui at Alvina dahil sa palpak na retoke na ginawa sa kanila sa halagang P500.  Pagkaraan ng ilang taong pagdurusa, nagkaroon sila ng pag-asa na bumalik ang dati nilang hitsura.

Nang unang tinalakay ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kuwento ng mga magkakaibigan na mula sa Cabadbaran, Agusan del Norte, ibinahagi nila kung paano nangyari na ang pinapangarap nilang kagandahan ay nauwi sa bangungot nang umumbok, tumigas at lumawlaw ang kanilang pisngi.

Ang tinunaw na petroleum jelly na ininject sa kanilang mukha sa halagang P500 ang itinuturong dahilan kaya nasira ang kanilang mukha pagkalipas ng panahon.

Sa episode ng "KMJS" nitong Linggo, napag-alaman na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ang magkakaibigan para magsampa ng reklamo sa taong nasa likod ng pagkasira ng kanilang mukha.

Sumailalim din sila sa operasyon upang maayos ang kanilang mukha at inalis ang dahilan ng pagkakaroon ng umbok sa kanilang pisngi. Pero tuluyan pa kayang maayos ang kanilang mukha at maibabalik pa kaya ito sa dati? Panoorin ang ginawang pagtutok ng "KMJS:"



Click here for more GMA Public Affairs videos:


-- FRJ, GMA News