Sinabi ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na dapat ilibre na muna ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang singil sa toll sa bahagi ng expressway na mabigat ang daloy ng trapiko dahil sa nangyaring ipagkasira ng Marilao Interchange Bridge.

“I am demanding from NLEX na habang ginagawa ito at naaaberya ang mga kababayan natin, para sa areas, segment na may aberya, ilibre muna nila ang toll,” sabi ni DOTr Secretary Vince Dizon sa mga mamamahayag nitong Biyernes.

“Wala dapat babayaran ang mga kababayan natin habang ginagawa nila ito at habang one and a half hours ang nakabinbin diyan. They owe it to the public na huwag muna silang maniningil for that segment lang na tinamaan,” dagdag niya.

Nitong Huwebes, sinabi ng NLEX Corporation na asahan ang mabagal na usad sa expressway habang ginagawa ang Marilao Interchange Bridge na aabutin ng dalawa hanggang tatlong linggo matapos ang aksidente.

“Aabutin po 'yan ng between two to three weeks para matapos po yung pag-restore,” pahayag ni NLEX senior manager for traffic operations Robin Ignacio.

Sa rush hour, sinabi ni Ignacio na pito hanggang walong kilometro ang haba ng mabagal na usad ng mga sasakyan.

Nitong Miyerkules, inanunsyo ng NLEX Corporation na pansamantalang isasara ang dalawang northbound lanes sa Marilao Interchange Bridge sanhi ng pagtama ng isang truck na dumaan sa ilalim nito.

Ayon kay Ignacio, hindi dumaan ang truck sa mismong linya ng daan na para sa truck sa ilalim ng Marilao Interchange Bridge.

Isinisisi ang paglalagay ng aspalto sa expressway kaya umano bumaba ang pagitan ng daan sa ilalim ng tulay.

Pero ayon kay Ignacio, nakikipag-ugnayan ang NLEX sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at kinauukulang local government unit (LGU) sa nakalipas na mga taon sa pagsasagawa ng asphalt overlays.

Gayunman, sinabi nito na itinatanggi ng DPWH at LGU ang kanilang hurisdiksyon sa Marilao Interchange Bridge.

Ayon naman sa DPWH—base sa posisyon ng Bulacan 2nd District Engineering Office—na wala sa kanilang hurisdiksiyon ang Marilao Interchange Bridge kung hindi nasa LGU.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugol tungkol dito ng lokal na pamahalaan ng Marilao. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News