Timbog ang isang senior citizen dahil sa panghahalay umano sa apo ng kaniyang kinakasama na walong taong gulang lang noon sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing natunton ng Masambong Police ang lalaki sa kaniyang bahay sa Barangay Damayan.
Sinilbihan siya ng warrant of arrest para sa dalawang count ng acts of lasciviousness.
Batay sa impormasyon ng pulisya, naganap ang krimen noong Hulyo 2015.
Hindi agad nakapagsumbong ang biktima sa kaniyang mga kaanak.
"Twice nangyari sa kaniya, ginawa sa kaniya 'yung kahalayan. But accordingly, nagkaroon siya ng lakas ng loob just last year. And na-file po 'yung kaso that resulted [in] the issuance of the warrant of arrest," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, Commander ng Masambong Police Station.
Itinanggi ng suspek ang akusasyon, at sinabing hindi niya rin batid ang tungkol sa kaniyang arrest warrant.
"Hindi po totoo 'yun. Kasi 'yung time na nandoon kami, magkakasama kami sa bahay. 'Yung bata na 'yon, madalas pong pumapanik sa itaas namin, bumababa, hinahatid-sundo ko siya sa school. Kasama ko naman din 'yung lola niya," sabi ng suspek.
"Hindi ko po alam. Hindi ko naman po ginawa talaga 'yun," sabi ng suspek kaugnay ng isinampang reklamo laban sa kaniya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News