Aakalaing magpaparada lang ang isang lalaking sa tabi ng isang ambulansya sa bahagi ng Old Antipolo Street sa Maynila na nakuhaan sa CCTV.

Pero, motornapper pala siya ayon sa pulisya at ang ninakawan niya, mismong ka-brgy pa niya. 

Makikita pa sa video na muli niyang iniwan ang motor at sumilip sa kanto.

“Nalaman nitong complainant paggising niya wala na yung kanyang motorsiklo.. Ginawa niya yung pagnanakaw ng motor ng madaling araw tapos pagdating ng hapon, ay nahuli agad siyang ng mga operatiba," sabi ni MPD spokesperson Police Major Philipp Ines.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ilang beses nang may record sa barangay ang suspek dahil sa kaparehong modus kung saan itinatago niya muna ang nanakawing motor hanggang sa lumamig ang sitwasyos.

Ngunit hindi raw natutuloy ang reklamo dahil madalas nababawi naman ang ninanakaw nito.

Pero, kapag wala umanong naghanap dito ay tinutuluyan niya intong tangayin, sabi ng pulisya. 

Sa ngayon ay hawak na ng manila police district ang suspek na nahaharap sa reklamong may kinalaman sa new anti carnapping act of 2016.

Sa panayam ng GMA Integrated News, iginiit ng suspek na sa kamag anak niya ang motor at ninakaw lang din ito sa kanila.

“Service namin dati, matagal nang panahon, nakaligtaan dahil busy sa hanapbuhay," saad ng suspek.

Napagalaman naman bukod sa carnapping, nakulong na rin dati ang suspek dahil sa kasong homicide.

—VAL, GMA Integrated News