Patay ang isang 37-anyos na babae matapos siyang asintahin ng mga salarin mula sa labas at pagbabaril sa loob ng kaniyang bahay sa Malate, Maynila. Ang brutal na krimen, nasaksihan ng batang anak ng biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen bago mag-10:00 pm nitong Linggo sa Barangay 732.
Sa mga CCTV footage, nakita ang isang suspek na naglalakad papunta sa bahay ng biktima. Sa isa pang video, makikita na ang dalawang suspek sa labas ng pintuan ng bahay ng biktima at doon pinagbabaril ang babae na nasa loob.
Ayon kay Barangay Kagawad Koko Reyes, napasugod siya sa lugar nang may madinig na mga putok ng baril.
Nakasalubong pa umano niya ang mga suspek at tinutukan siya ng baril ng isa sa mga ito para patabihin siya.
Batay sa pahayag ng ospital, sinabi ni Reyes na apat na tama ng bala ang tinamo ng biktima na kaagad binawian ng buhay.
Sa pagtaya ni Reyes, may taas na 5'11" ang isang suspek, at 5'7" naman ang isa pa.
Ayon sa isang kaanak, nasaksihan ng 11-anyos na anak ng biktima ang ginawang pagbaril sa ina nito.
Hinala ng kaanak, may kinalaman sa utang ng biktima ang ugat ng krimen.
"Yung utang nababayaran, yung buhay isa lang yan. Saka yung pamangkin ko bata pa para mawalan ng ina. Sana naman hindi ganun yung ginawa. Napakabrutal," ayon sa kaanak.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at paghahanap sa mga salarin. -- FRJ, GMA Integrated News