Dinala sa ospital noong nakaraang linggo ang nakadetening si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy matapos nakaranas ng pananakit ng dibdib at irregular heartbeat, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

Ayon sa PNP, dumaing si Quiboloy noong Huwebes na masama ang pakiramdam. Matapos makakuha ng court order noong Biyernes, dinala ang KOJC leader sa Philippine Heart Center sa Quezon City

“Noong Friday din po, pursuant to a court order issued by RTC Pasig po ay dinala si Apollo Quiboloy. At supposedly today by noon ay nakabalik na siya dito sa PNP Custodial Center,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa press briefing.

Ngunit ayon kay Fajardo, naglabas ng bagong utos ng korte sa Pasig City na i-extend ang pananatili ni Quiboloy sa ospital hanggang November 16 para makompleto ang medical examinations nito.

“However, around 11:09 today, naka-receive po ng email ang PNP Custodial Center ng kopya po ng order ng RTC Pasig extending the medical furlough of Apollo Quiboloy hanggang November 16 ng 5p.m. para po makumpleto ang mga medical examinations na na-require,” dagdag ni Fajardo.

Inihayag ni Fajardo na batay sa paunang pagsusuri ng PNP Health Service kay Quiboloy, mayroon siyang “atrial fibrillation in rapid ventricular response” o “irregular heartbeat” na maaaring ikonsiderang “life-threatening.”

Dahil dito, inirekomenda ng PNP Health Service na magkaroon pa ng checkup kay Quiboloy at naghain ang kampo niya ng urgent petition sa korte para madala sa ospital ang lider ng KOJC.

“Nag-file po ng petition ang kanyang kampo at ang court ay grinant [grant] naman po itong very urgent petition filed by the camp of Apollo Quiboloy,” dagdag ni Fajardo.

Noong Oktubre, ibinasura ng Pasig court ang hiling ng kampo ni Quiboloy na hospital arrest.

Nahaharap si Quiboloy sa non-bailable case na qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) o Republic Act No. 9208.

May kaso rin siya na paglabag sa Section 5(b) and  Section 10(a) o Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News