Hiniling ni Cassandra Ong sa House Quad Committee na payagan ang kaniyang kaibigan na makasama niya sa kaniyang detention cell sa Correctional Institute for Women (CIW).

“This is a letter request from Ms. Cassie (Cassandra Ong) requesting [us] to allow her friend to stay with her at the CIW (Correctional Institute for Women)," ayon kay Abang Lingkod party-list Representative Stephen Paduano, sa pagdinig ng Quad Comm nitong Biyernes na inabot ng 1 a.m.

"And the basis of this is she's suffering from severe mental breakdowns and anxiety attacks and currently in a state of severe depression,” dagdag ng kongresista.

Nakadetine si Ong sa CIW matapos siyang i-contempt ng QuadComm dahil sa kabiguan niyang isimute ang mga hinihiling na dokumento tungkol sa Lucky South 99 at iba pang mga kaugnay na papeles.

Si Ong ang lumilitaw na kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na Lucky South 99, na sinasabing sangkot sa mga ilegal na gawain.

Ayon kay Antipolo Representative Romeo Acop, kailangan munang ikonsulta ng QuadComm sa pamunuan ng CIW ang kahilingan ni Ong para malaman kung pinapayagan ito sa kanilang patakaran.

Sinuportahan naman ni Paduano ang posisyon ni Acop..

“Pending verification with the CIW, with regards to their protocol, 'pag okay sila, go na natin. Kaysa naman mag-hearing pa tayo for this matter, Mr. Chairman, or wait for the next hearing,” sabi ni Paduano.

Hiniling naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez, na magpadala ng House medical team sa CIW para alamin ang lagay ng kalusugan ni Ong.

Sang-ayon naman ang mga kasapi ng QuadComm, maging si over-all chairman Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, na sundin ang magiging pasya ng CIW kaugnay sa kahilingan ni Ong.

“In that case, I would like to ask the committee secretariat to closely coordinate with the CIW. When the CIW replies and allows that a detainee be accompanied by a friend, then the committee will already allow a friend to accompany Ms. Cassandra Ong,” ayon kay Barbers.

Hinihinala ng QuadComm na isa lamang "dummy" para sa Lucky South 99 si Ong dahil sa pagtanggi nito na magpakita ng mga hinihinging dokumento, kabilang na ang pinagmumulan ng kaniyang yaman. —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News