Ikinadismaya ng mga dumalaw sa Barangka Cemetery sa Marikina City ang ginawang paghuhukay ng mga labi ng kanilang mga kaanak na walang pahintulot mula sa LGU.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa video ni Mark Makalalad ng Super Radyo DZBB ang dose-dosenang sako ng mga kalansay na nakatambak lang.
Ayon sa nakapaskil na ordinansa sa opisina ng administrador ng sementeryo, hanggang limang taon lamang maaaring ilagak ang mga labi sa mga apartment type na nitso.
Matapos nito, dapat na ilipat ang mga kalansay sa isang ossuary.
Nadismaya ang ilang kaanak nang matuklasang iba na ang nakalibing sa nitso ng kanilang yumaong mahal sa buhay.
Kinondena ng Marikina LGU ang ginawang exhumation dahil base sa ordinansa, hindi dapat nakatiwangwang ang mga buto at inilagay dapat sa ossuary.
Dapat din na may permit ang bawat paghuhukay galing sa city health office, bagay na hindi naipakita ng pamunuan ng sementeryo.
Walang pahayag ang administrador at limang sepulturero ng Barangka Cemetery, na mga sinampahan na ng reklamong administratibo ng Marikina LGU dahil sa kapabayaan sa tungkulin, at reklamong kriminal dahil sa paglabag sa Sanitation Code.
--Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News