Nanloob ang anim na armadaong katao sa isang exclusive subdivision sa Paranaque na tumangay ng milyong milyong halaga ng pera at alahas.
Ayon sa pulisya, agad itinali ng anim na armadong lalaki ang apat na Filipino sa bahay kabilang ang isang in-house security guard.
Pagkatapos ay umakyat sila sa mga kwarto kung nasaan ang mga biktimang Chinese
"At gun point, pinapunta siya don sa kwarto kung saan nandon yung vault, pinabuksan sa kanya at nilimas ung laman ng vault,” saad ni Police Major Hazel Asilo.
“So nakakuha sa kanila ng almost 1 million na halaga ng cash at tsaka 400 thousand worth na mga alahas,” dagdag niya.
Agad din daw tumakas ang mga armadong lalaki.
Sinundan naman sila ng isa sa mga driver ng mga biktima na nakapagtago habang nagaganap ang panloloob.
Pero sa back tracking, natuklasan na magkakakilala ang driver na sumunod at ang mga armadong lalaki. Imbes kasi na kalagan ang iba pang mga biktima, dali-dali siyang umalis sa bahay.
Nakita din daw sa CCTV na nag-uusap usap sila matapos ang nangyaring panloloob.
Dahil diyan, agad siyang hinuli ng mga awtoridad kung saan nalaman na kasabwat din pala ang lalaking nagbukas ng gate at ang isa pang driver ng mga biktima.
Ito raw ang dahilan kaya alam ng mga armadong lalaki ang pasikot sikot sa bahay.
Napag alaman naman ng pulisya na ang isa sa mga biktima, ay dati na rin nabiktima sa Binondo na ang hinala nila, iisang grupo lang ang sangkot dito.
“Nasa 30 million yung nakuha sa kanya sa Binondo na... Hindi siya nag file ng complaint, so itong mga taong ito, parang na-realize nila na itong instik na to, hindi 'to nagfa file ng kaso,” sabi ni Asilo.
Ayon naman sa Barangay, hindi ito ang unang beses na nangyari ang panloloob sa naturang exclusive subdivision.
Sa ngayon ay hawak na ng paranaque city police station ang tatlong driver ng mga biktima na mga kasabwat sa krimen habang patuloy naman ang follow up operation para mahuli ang mga armadong lalaki.
--VAL, GMA Integrated News