Kapuwa nabawasan ang trust at performance ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa pinakabagong resulta ng survey ng OCTA Research. Ngunit higit na mas malaki ang nabawas sa pangalawang pangulo.

Sa non-commissioned survey ng OCTA na inilabas nitong Huwebes, lumitaw na 69% ng adult Filipinos ang nagtitiwala kay Marcos, na dalawang porsiyentong mas mababa sa nakuha niya noong second quarter ng taon.

Ayon sa OCTA, "statistically unchanged" ang naturang marka ni Marcos kung ikokonsidera ang margin of error ng survey.

Samantala, mula sa 65%, bumaba ang trust ratings ni Duterte sa 59%.

“This significant drop raises concerns, particularly as her distrust rating now stands at 14%, with 27% of respondents undecided. This downward trajectory in trust ratings is stark compared to March 2023, when she enjoyed an impressive trust level of 87%,” ayon sa OCTA.

“Such fluctuations indicate a shifting sentiment among the electorate and the potential impact of current political dynamics,” dagdag nito.

Sa performance, lumabas sa survey na 66% ng adult Filipinos ang nasisiyahan sa trabaho ni Marcos, habang 12% ang dissatisfied, at 23% ang undecided.

Mas mababa rin lang ng 2% ang bagong satisfaction rating ni Marcos, kumpara sa nagdaang survey.

Habang si Duterte, 8% ang nabawas sa satisfaction rating na 52% mula sa dating 60%.

Lumitaw din sa survey na 15% ng respondents ang dissatisfied sa kaniyang trabaho, habang 33% ang undecided.

“It is crucial to highlight that Vice President Duterte-Carpio's ratings have steadily decreased for over two straight quarters in 2024,” ayon sa research group.

Nakakuha si Marcos ng pinakamataas na trust rating mula sa Balanced Luzon na 78%, at pinakamababa sa Mindanao na 50%.

Mula rin sa Balanced Luzon ang pinakamataas niyang nakuhang sa performance rating na 74%, at pinakamababa sa Mindanao na 48%.

Samantala, galing sa Mindanao ang pinakamataas na trust rating ni Duterte na 95%, at pinakamababa naman sa Balanced Luzon na 43%.

Ang Mindanao rin ang nagbigay kay Duterte ng pinakamataas na performance rating na 90%, habang pinakamababa naman sa Balanced Luzon na 37% at sa National Capital Region na 38%. -- mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News