Sumuko sa mga awtoridad ang isa sa apat na akusado sa pagpugot sa isang security guard sa Quezon City Disyembre noong nakaraang taon.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isinilbi sa suspek ang warrant of arrest para sa kasong robbery with homicide at paglabag sa New Anti-Carnapping Act matapos siyang sumuko.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil may nawawalang pera sa establisimyento.
Samantala, tatlo sa mga akusado ang nagtatago pa rin sa kasalukuyan.
"Napag-alaman natin na nagtago siya sa kaniyang home province sa bandang Bicol province po... umabot po tayo ng halos sampung buwan ngayon exactly," sabi ni Police Major Don Don Llapitan, chief ng QCPD CIDU.
Nang dalhin sa presinto, natuklasang may isa pang warrant of arrest ang suspek para naman sa kasong qualified theft na inisyu ng korte sa Bacolod City noong Hulyo 2019, at isinilbi ito sa kaniya.
Nakabilanggo sa Kamuning station ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News