Sa kabila ng banta ng Bagyong Leon, handa na ang mga pasahero sa Manila Northport Terminal na pauwi ng mga lalawigan ngayong nalalapit na ang Undas.

Karamihan sa mga pasaherong nakausap ng GMA Integrated News ay mga na-reschedule lamang ang biyahe dahil sa nagdaang Bagyong Kristine.

Ayon sa mga tauhan ng Manila Northport Terminal, maaga naman dumating ang barko papunta ng Cebu at Cagayan de Oro kaya agad din pinapasok ang mga pasahero sa departure area.

Sa kabila nito, may ilan naman na pinili munang matulog sa mga upuan na nasa loob din naman ng terminal.

Base naman sa travel advisory ng 2Go, may ilang biyahe pa rin sa Maynila ang bahagyang maaantala dahil sa epekto ng nagdaang bagyo.

Isa dito ang biyaheng Manila-Batangas-Bacolod na mamayang 9:30 p.m. sana ang original na biyahe pero mauurong ito ng November 1 ng umaga.

Gayundin ang papuntang Iloilo na mamayang 9:30 p.m. din sana ang biyahe pero mauurong ng November 1 ng gabi.

Ayon naman sa Department of Transportation, ngayong araw ang simula ng kanilang Oplan Biyaheng Ayos Para sa Undas 2024.

Dahil diyan, puspusan din ang kanilang ginagawang pag-inspeksyon sa iba't ibang pantalan at terminal para masiguro ang ligtas na pagbyahe ng mga pasahero.

Nakabantay din dito sa Manila Northport Terminal ang mga tauhan ng Philippine National Police.

Wala pa naman daw silang naitatalang anumang untoward incident dito sa nasabing terminal. —KBK, GMA Integrated News