May pagtaas muli sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Martes, ayon sa mga lokal na kompanya ng langis.
Sa magkahiwalay na abiso, inihayag ng Chevron Philippines Inc. (Caltex) at Shell Pilipinas Corp., na madadagdagan ng P0.20 per liter ang gasolina, P0.50 sa diesel, at P0.50 sa kerosene.
Kaparehong halaga ang ipapataw ng Cleanfuel sa mga produktong petrolyo maliban sa kerosene na wala sila.
Ipatutupad ang taas-presyo simula ng 6 a.m. sa Martes, October 29.
Hindi pa nagbibigay ng abiso ang iba pang kompanya ng langis kaugnay sa fuel price adjustment.
Una nang inihayag ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na ang inaasahang paggalaw sa halaga ng mga produktong petrolyo ay bunga ng mahinang demand sa China at United States, ang surprise build sa American stocks, ang inaasahang paghupa ng tensiyon sa mga kaguluhan gaya sa Middle East, at inaasahang pagtaas ng pangangailangan ng South Korea sa diesel .
Nitong nakaraang linggo, nabawasan ng P0.50 per liter ang presyo ng gasolina, P0.70 per liter sa diesel, at P0.85 sa kerosene.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), ngayon taon ay umabot sa P9.05 per liter ang kabuuang nadagdag sa presyo ng gasolina, P6.75 per liter sa diesel, habang nabawasan ng P2.75 per liter ang halaga ng kerosene. —FRJ, GMA Integrated News