Nauwi sa pagkamatay ang pagtambay lang sana ng isang 15-anyos na binatilyo sa isang parke sa Punta, Sta. Ana, Maynila.
Pinagtulungan daw gulpihin ng isang Sangguniang Kabataan (SK) kagawad at isang anak ng opisyal ng barangay ang Grade 9 student na si Lei.
Base sa imbestigasyon, binastos umano ng grupo ng biktima ang nobya ng SK kagawad.
Sa video, makikita ang biktima kasama ang kaibigan niya na nagsusumbong sa mga tauhan ng barangay. Idinudulog daw nila noon ang nauna nang insidente ng panggugulpi umano ng SK kagawad sa isa pang menor de edad nilang kaibigan na naiwan sa parke.
Maya-maya, makikita na ang SK kagawad na naglalakad palapit sa barangay kung nasaan ang biktima. Walang kaabog-abog niyang sinuntok ang menor de edad.
Nakatakbo palayo ang magkaibigan pero sinundan pa rin sila ng SK kagawad hanggang sa maabutan sa tapat ng isang tindahan sa F. Manalo Street ang biktima.
Doon na siya tuluyang ginulpi ng SK kagawad at ng lalaking nakasando na anak naman daw ng isang opisyal sa barangay. Ang iba pang lalaki sa video, mga tauhan din daw ng barangay na aawat lang sa gulo.
Hindi na maaninag sa CCTV pero bigla umanong nawalan ng malay ang biktima at bumulagta. Agad umalis ang dalawang suspek at hinabol naman nila ang kaibigan ng biktima. Hindi na nahagip sa CCTV pero ginulpi rin daw nila ang lalaki na isa ring menor de edad.
Maya-maya, binalikan ng dalawa ang nakabulagtang biktima. Sinilip pa nila ito at naglakad palayo na para bang walang nangyari.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang pinagtulungan nang buhatin ang biktima para maisugod sa ospital kung saan hindi na siya umabot ng buhay.
Nahuli ng chairman ng barangay ang sangkot na SK kagawad at ang anak ng isa sa mga opisyal ng kaniyang barangay.
“Yun nga po, kakalungkot na namatay po yung bata, sinabi ko po sa kanila, ang reaksyon po nila is umiyak lang po,” ani Sherwin Cañete, chairman ng Barangay 894 sa Sta. Ana.
“'Di ko lang po talaga alam kung anong pumasok sa tuktok niyan, bakit niya po ginawa yung ganon. Ang kuwento niya po sakin nung huling pag-uusap namin, nabigla daw siya,” dagdag pa ng chairman.
Nakaburol na ngayon ang biktima. Base sa autopsy report sa bangkay, traumatic head injury ang kaniyang ikinamatay.
Hindi naman naniniwala ang nanay ng biktima na binastos ng grupo ng kaniyang anak ang nobya ng isa sa mga suspek.
“May nagsabi po sa side nila na nakapula daw po yung nambastos pero yung anak ko saka mga kaibigan is mga naka-white, ang napag-initan po yung barkada po ng anak ko saka yung anak ko,” aniya.
Gusto rin daw nilang managot ang barangay dahil hindi nila agad tinulungan ang bata na nagsumbong na sa kanila.
Ayon sa pamunuan ng barangay, rumesponde naman agad ang kanilang mga tanod.
“Kita naman po sa CCTV, tumayo po agad yung barangay health worker namin, pumasok po sa loob ng barangay, may daanan po diyan para tawagin po yung tanod. Makikita din po sa CCTV, lumabas po yung mga tanod papunta po dun sa dikeside,” sabi ni Cañete.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang dalawang suspek. Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan sila ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News